PTFOMS AT PDEA, NAGKASUNDO PARA PALAKASIN ANG SEGURIDAD NG MEDIA
- Published on July 16, 2025
- by @peoplesbalita
NAGKASUNDO ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Lunes Hulyo 14, 2025, para palakasin ang proteksyon o seguridad para sa mga media personnel.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, na ito ay isang magandang pagkakataon para paigtingin ang magandang ugnayan o relasyon sa pagitan ng mga opisyal ng PDEA at PTFoMS, at tiniyak din ni DG Nerez na magkakaroon ng buwanang press conference para sa pagpapakalat ng balita at impormasyon, at binigyang-diin ni Nerez na ang batas na Republic Act 9165 ay nag-uutos sa presensya ng mga miyembro ng media sa panahon ng operasyon ng PDEA, na kung saan ang kanilang seguridad ay higit na isinasaalang-alang.
Dagdag pa niya, si Jimmy Mendoza, Presidente ng PDEA Press Corps, ang magiging focal person para sa media, “Sa apat na testigo, dalawang saksi lang ang dapat isaalang-alang sa stipulation kung papayag ang depensa sa panahon ng pre-trial arraignment at pagdinig, at yung dadalo sa court hearing ay ang PDEA ang magbibigay ng sasakyan, escort at allowance” ani Nerez.
Ang PDEA ang may tanging mandato sa kampanya kontra droga ng gobyerno. Nais ng Supply Reduction Demand Reduction Committee na hindi na kailangang banggitin ang halaga ng mga nasamsam na iligal na droga, kailangan lamang banggitin ang volume o timbang, upang maiwasan ang pagkatukso sa tao na luminya sa kalakaran ng ipinagbabawal na droga.
Batay sa mga tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr, ang PDEA Regional Offices ay dapat kumuha ng mga utos ng korte bago ang kanilang anti-drug operations, binanggit din ni Nerez ang mahalagang papel ng media sa kamalayan sa mga epekto ng iligal na droga.
Samantala hiniling naman ni PTFoMS Executive Director Jose Torres kay PDEA Director General Isagani Nerez na magsagawa ng orientation seminar sa miyembro ng media para mas lumalim pa ang kaalaman sa page report sa mga drug operation at press release na ipinaparating sa mga miyembro ng media.
Sa nasabing courtesy call bukod Kay DG Nerez ay dumalo din ang ilang matataas na opisyal ng PDEA tulad nila PDEA Deputy Director General for Operation, Renato Gumban, Deputy Director General for Administration Ibarahim Dickson at PDEA PIO Chief Gabales Lawin at iba pa.
Sa panig naman ng miyembro ng media na kasama ng PTFoMS ay sina Rio Araja – Manila Standard, Neil Miranda – DZME, Ben Briones – PNA ,Jun Perfecto – Mabuhay Dyario ,Paul John Reyes ng People’s Balita at Huli Ka Dyaryo, Joy Rustia – Plust Tv at Jimmy Mendoza – MHE. (PAUL JOHN REYES)