Pinangalanan ang mga pulis na dawit… ‘Alyas Totoy’ ilalantad 15 pulis sa missing sabungeros
- Published on July 15, 2025
- by @peoplesbalita
NAGING emosyonal si Julie Patidongan alyas “Totoy” nang tanungin kung bakit matapang niyang isiniwalat ang mga impormasyon tungkol sa mga nawawalang sabungero.
“Okay lang patayin mo ako. Pero patayin mo buong pamilya ko, hindi na puwede ‘yan,” sabi niya matapos maghain ng complaint affidavit laban sa mga pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.
Ibinunyag na ng whistleblower na ang pangalan ng mga police officer na nasa inihain niyang complaint affidavit sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Pormal nang sinampahan kahapon ng whistleblower National Police Commission (Napolcom) ang 15 pulis na sangkot sa missing sabungeros.
Ayon kay Napolcom Vice Chairman Rafael Calinisan, papangalanan ni Patidongan ang 15 pulis sa kanyang isusumiteng affidavit na malaking tulong upang masimulan na ang pagkakasangkot ng mga pulis sa kontrobersiyal na kaso.
“Sobrang importante siya,” sabi ni Calinisan. “Una, kasi gugulong na ‘yung proseso. Ang pinakaimportante sa lahat eh umandar na at masyado nang matagal ‘yung pag-aantay ng taumbayan. Apat na taon na nag-aantay ng hustisya,” ani Calinisan.
Bagama’t kasong administratibo ang kakaharaping kaso ng mga pulis, maaari rin aniyang masampahan ng kasong kriminal batay sa mga ebidensiya.
Inaasahan nilang matatapos ang imbestigasyon sa loob ng dalawang buwan.
Paliwanag ni Calinisan, mabigat ang akusasyon ni Patidongan kung saan may isinasangkot itong matataas na opisyal ng PNP.
“Kung inosente ang mga pulis na ito, absuweltohin natin. Pero kung sila ay guilty, dapat silang managot,” dagdag pa ni Calinisan.
Nilinaw ni Calinisan na ang kanilang administrative jurisdiction ay para sa mga aktibong pulis lamang. Wala na umano silang kontrol sa mga nagretirong pulis na sangkot sa missing sabungeros. (Daris Jose)