‘Padrino system’ sa gobyerno pinabubuwag
- Published on July 15, 2025
- by @peoplesbalita
ISINULONG sa Kamara ang panukalang buwagin ang padrino system o palakasan sa mga ahensiya ng gobyerno at idaan ang promotion o pagkuha ng empleyado base sa kanilang kakayahan.
Sa ilalim ng “Gobyernong Walang Padrino” Act ni Bagong Henerasyon (BH) Partylist Rep. Robert Nazal, giniit na dapat pairalin ang meritocracy at transparency sa mga appointments, promosyon at distribusyon ng benepisyo sa mga tanggapan ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Nazal na ang panukala ang tutuldok sa mga referrals, loyalty, familial o koneksiyon ng pagkakaibigan para umangat sa mga puwesto sa gobyerno.
Nilalayon ng panukala na magtatag ng Anti-Padrino Oversight Unit sa ilalim ng Civil Service Commission at magpataw ng parusa mula P10-M multa at 10 taong kulong sa mga lalabag dito.
“Patronage politics is one of the oldest and most deeply embedded ills in Philippine governance. For decades, public office has too often been treated as a reward for loyalty rather than a trust for merit,” saad ni Nazal.
Inihayag pa ni Nazal na ang nasabing hindi magandang praktis sa mga tanggapan ng gobyerno ay sumisira sa pagiging episyente at nade-demoralisado ang career ng mga public servants.
Nakasaad pa sa panukalang batas na ipagbabawal na ang paggamit ng political endorsements sa anumang appointment o proseso ng promosyon na gagawing mandato sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs), LGUs, State universities gayundin sa mga government-funded programs.