CAAP, tiniyak na hindi makalulusot pekeng lisensiya
- Published on July 14, 2025
- by @peoplesbalita
TINIYAK ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa publiko na mahigpit ang kanilang mga pamamaraan at seguridad sa pagbibigay ng lisensiya sa larangan ng aviation.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Department of Transportation para sa pananagutan at pagtutok sa tiwala ng mamamayan sa sektor ng aviation ng bansa, iginiit ng CAAP na dumadaan sa masusing beripikasyon at dokumentasyon ang bawat aplikasyon upang maiwasan ang mga pekeng lisensya.
Kailangang matugunan ng mga aplikanteng piloto, mekaniko ng eroplano, flight dispatcher, o air traffic controller ang takdang kwalipikasyon.
Dapat magsumite ng kumpletong dokumento tulad ng training certificates at academic records mula sa mga paaralang akreditado ng CAAP. Kung ang pagsasanay ay mula sa ibang bansa, dapat munang i-validate ang eskwelahan ng awtoridad.
Masusing sinisiyasat ng CAAP ang mga dokumento upang matiyak ang katumpakan at pagiging tunay. Kapag pumasa, binibigyan ng permit para kumuha ng theoretical exam at itinatakda ang isang permanenteng Personnel License Number (PEL).
Ang PEL ay nagsisilbing natatanging pagkakakilanlan ng isang lisensiyado sa kanyang aviation career. Nakaimbak sa CAAP database ang impormasyon tulad ng training history at flight hours.
Sa pamamagitan ng PEL, mabilis na nabeberipika ang authenticity ng lisensiya. Anumang lisensiyang walang kaukulang PEL ay itinuturing na pekeng dokumento.
Gamit din ng mga miyembrong bansa ng ICAO ang PEL system. Ang bawat lisensiya ay maaaring ma-validate sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga Civil Aviation Authorities ng ibang bansa.
Mahigpit ang aksyon ng CAAP sa mga ulat kaugnay ng bentahan ng pekeng aviation licenses at kaagapay nito ang mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas para matukoy at makasuhan ang mga sangkot. (PAUL JOHN REYES)