• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

4 na kelot, huli sa sugal at droga sa Valenzuela  

ARESTADO sa magkahiwalay na anti-gambling operation ng pulisya ang apat na kalalakihan matapos mahuli sa aktong naglalaro ng illegal na sugal at makuhanan pa ng droga ang dalawa sa kanila sa Valenzuela City.

          Sa kanyang report kay Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas, sinabi ni SDEU investigator P/MSgt. Carlito Nerit Jr na nakatanggap ng impormasyon mula sa concerned citizen ang mga tauhan ng Marulas Patrol Base (PB-3) hinggil sa umano’y nagaganap na aktibidad ng illegal gambling  sa F. Bautista St., Brgy. Marulas.

          Agad rumesponde ang mga tauhan ng PB-3 sa lugar kung saan naaktuhan nila ang dalawang lalaki na sina alyas “Angelo”, at alyas “John” na abala umano sa paglalaro ng cara y cruz dakong ala-1 ng hapon na dahilan ng kanilang pagkakaaresto.

          Nasamsam ng mga pulis ang tatlong peso coins na gamit bilang pangara at P400 bet money habang nakuha naman kay ‘Angelo’ ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.

          Nauna rito, huli rin sa akto ng rumespondeng mga tauhan ng Gen T De Leon Patrol Base 2, sina alyas “Jef” at alyas “”Epra” na naglalaro din ng sugal na cara y cruz sa Rosario St., Brgy. Gen T De Leon bandang alas-11:30 ng umaga.

          Nakuha sa kanila ang tatlong peso coins pangara at P335 bet money habang nakumpiska naman kay ‘Jef’ ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

          Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa P.D 1602 habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin pa ng dalawa sa kanila. (Richard Mesa)