Halos P.7M droga, nasamsam sa 22-anyos na tulak sa Navotas
- Published on July 14, 2025
- by @peoplesbalita
TINATAYANG halos P.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang tulak ng droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos malambat ng pulisya sa buy bust operation sa Navotas City, Sabado ng madaling araw.
Kinilala ni Navotas Police OIC chief P/Col. Renante Pinuela ang naarestong suspek na si alyas “Clarence”, 22, residente ng Brgy. Tangos South.
Sa kanyang report sa Northern Police District (NPD), sinabi ni Col. Pinuela, dakong alas-2:25 ng madaling araw nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang suspek sa C3 Road, Brgy., NBBS Proper.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 100.1 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P680,680.00 at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 27 pirasong P1,000 boodle money.
Ani Col. Pinuela, unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng SDEU hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ni alyas Clarence kaya ikinasa ng SDEU ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA na dahilan ng kanyang pagkakaaresto.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)