• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

262 barangays nakakuha ng SGLGB – DILG

INIHAYAG ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nasa 262 barangay ang ginawaran nila ng Seal of Good Local Gover­nance for Barangay (SGLGB) sa pagsisimula ng pagpaparangal sa mga barangay sa ilalim ng  Liga ng mga Barangay National Congress na ginanap sa World Trade Center sa Pasay.

Ayon sa DILG, ang mga barangay na ito ang unang batch ng national awardees sa ilalim ng 2024 SGLGB assessment cycle.

Nakatakdang isagawa ang mga pagkilala sa mga barangay sa  Hulyo 29, Agosto 19, Setyembre 10, at Oktubre 21, kung saan nasa 3,283 national passers ang paparangalan ng SGLGB.

Nabatid na ang 3,283 barangay ay 8% lamang ng 41,610 barangay sa buong bansa, ang nakakuha ng 2024 SGLGB.

Sa mga ito, 663 barangay ang consistent awardees sa loob ng dalawang magkasunod na taon, habang 2,620 barangay ang nakatanggap ng recognition sa unang pagkakataon.

Inatasan ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ayusin ang sistema ng SGLGB simula 2025 upang maiayon sa isang unified, strategic at outcome-based performance evaluation sa lahat ng antas ng lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Remulla na ang parangal ay pagbibigay halaga sa dedikas­yon ng mga barangay para sa Bagong Pilipinas ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.