• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Makikipagkita kay Trump: Biyahe ni PBBM sa Washington, kinumpirma ng Malakanyang

KINUMPIRMA ng Malakanyang ang pagkikita at pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay US President Donald Trump para sa kanilang unang bilateral meeting sa Washington sa darating na Hulyo 20-22, 2025.

Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na hindi niya dine-deny ang bagay na ito. Sa halip ay kinukumpirma niya ang nasabing pagbyahe ng Pangulo sa Washington.

Ipinaubaya naman ni Castro sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang detalye at kung ano ang magiging agenda ng Pangulo sa pakikipagkita nito kay Trump.

Sa kabilang dako, inanunsyo naman ni US Secretary of State Marco Rubio ang magiging pagbisita ni Pangulong Marcos sa Washington habang pinalalakas ng dalawang treaty allies ang kanilang depensa at military ties para hadlangan ang agresyon ng Tsina sa South China Sea.

Nakatakda namang mag-deploy ang Pilipinas ng trade delegation sa Estados Unidos sa susunod na linggo para ipagpatuloy ang negosasyon matapos na itaas ng administrasyong Trump ang taripa nito sa Pilipinas ng 20% maliban na lamang kapag naplantsa ang kasunduan.

“(We) look forward to hosting the President of the Philippines in Washington in a few days,” ang sinabi ni Rubio sa mga mamamahayag kasunod ng pakikipagpulong sa Philippine at Japanese counterparts sa sidelines ng ASEAN ministerial meetings sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ito ay magiging official working visit para kay Panguong Marcos, ang unang head of state mula sa Association of South East Asian Nations na inimbitahan ni Trump sa White House, ayon naman kay Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez.

Hindi naman dinetalye ni Romualdez ang eksaktong petsa ng pagbisita subalit may dalawang Philippine government officials, hindi pinangalanan dahil hindi awtorisadong magsalita sa bagay na ito ay nagsabi na tinitingnan ng Manila at Washington ana magkaroon ng pag-uusap sa  July 21 o July 22 .

Nagkaroon naman sina Rubio, Philippine Foreign Secretary Theresa Lazaro, at Japanese Foreign Minister Takeshi ng kanilang unang trilateral meeting, araw ng Huwebes, muling pinagtibay ang kanilang commitment na palakasin ang economic at security ties habang humaharap sa umiigting na paggigiit ng Tsina at pagpapalawak ng kanilang military presence sa pinagtatalunang South China Sea – isang mahalagang trading route.

Inilarawan naman ni Rubio ang pagpupulong bilang “excellent” nang tanungin ukol sa kinalabasan ng pagpupulong, tanda ng commitment ng Washington sa trilateral arrangement na sinimulan ng ‘political rival at predecessor’ n trump na si Joe Biden.

“We have a great relationship with Japan and the Philippines, and work very closely with them on the economic corridor on maritime security, and territorial integrity to build upon that partnership,” ang sinabi pa rin ni Rubio.

(Daris Jose)