• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sasailalim sa pagsusuri ng forensic experts… SAKO NG MGA BUTO, NATAGPUAN SA TAAL LAKE   

ILANG sako na naglalaman ng buto ang natagpuan sa search and retrieval operation ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Taal Lake Batangas.

Sinimulan ang search and retrieval operation nitong Huwebes sa mga labi ng mga nawawalang mga sabungeros na sinasabing itinapon sa lawa ng Taal Lake sa pagitan ng apat na taon mula 2021.

Wala pa namang ibinibigay ang PCG na eksaktong bilang ng sako na hinihinalang naglalaman ng buto ng tao na natagpuan sa lawa.

Hindi pa makumpirma kung ito’y mga buto ng tao. Agad naman itong i-tinurnover sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para isailalim sa forensic examination.

Nadiskubre rin ang sako na may laman na hinihinalang buto ng tao pero sasailalim pa ito sa forensic examination ayon na rin sa Department of Justice (DOJ).

Samantala, mamayang alas-dos ng hapon magsasagawa ng press briefing si Commodore Geronimo Tuvilla, commander ng Coast Guard District Southern Tagalog kaugnay sa resulta ng unang araw ng paghahanap sa mga nawawalang sabungero.

Ayon sa mga awtoridad, ang pinakamalalim na bahagi ng lawa ay aabot ng hanggang 198 metro, na katumbas ng isang 60-palapag na gusali.

Ilan naman umano sa mga hamong maa­aring kaharapin ng mga searchers ay ang pagsama ng panahon at malakas na current ng tubig, gayundin ang banta ng pag-aalboroto ng bulkan.

Una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi lamang 34 kundi nasa 100 sabungero ang pinaniniwalaang itinapon sa Taal Lake simula 2021 hanggang 2022.

(Gene Adsuara)