Tulak na lola, kasabwat laglag sa P510K shabu sa Caloocan
- Published on July 12, 2025
- by @peoplesbalita
MAHIGIT P.5 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang 67-anyos na lola matapos malambat ng pulisya sa buy bust operation sa Caloocan City, Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) OIC chief P/Capt. Regie Pobadora ang naarestong mga suspek na sina alyas “Baks”, at alyas “Takoy”, 46, kapwa itinuturing bilang High Value Individuals (HVI) at parehong residente ng Brgy., 143, ng lungsod.
Ayon kay Capt. Pobadora, positibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng mga suspek ng shabu kaya ikinasa nila ang buy bust operation, sa koorsinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng isa sa kanyang mga tauhan.
Nang matanggap ang signal mula sa isa nilang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na ang kanilang transaksyon, agad sumugod ang mga operatiba ng DDEU at inaresto ang mga suspek dakong alas-4:45 ng madaling araw sa Brgy. 133.
Ani Capt. Pobadora, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 75 grams ng hinihinalang shabu na may estimated standard drug price na P510,000.00 at buy bust money.
Nakatakdang sampahan ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 5, 26, at 11, under Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.
Pinuri naman ni NPD Acting Director P/BGen. Arnold Abad, ang pagsisikap ng mga operatiba ng DDEU para sa kanilang pangako sa kampanya laban sa ilegal na droga. (Richard Mesa)