• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bus driver na wanted sa qualified theft sa Valenzuela, shoot sa selda

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 53-anyos bus driver na wanted sa kasong qualified theft matapos maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas ang naarestong akusado na si alyas “Oniot”, residente ng Calamba, Laguna.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, dakong alas-12:30 ng tanghali nang madakip ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at SPOS Court Patroller ng Valenzuela police ang akusado sa harap ng RTC Building sa Maysan Road, Barangay Malinta.

Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Qualified Theft na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 171, Valenzuela City, noong October 15, 2018 na walang inirekomendang piyansa.

Para matiyak ang transparency at pagsunod sa operational protocol, gumamit ang mga operatiba ng WSS ng Body-Worn Camera (BWC) sa pagdakip sa akusado.

Matapos nito, dinala ang akusado sa Valenzuela City Health Department para sa medical examination bago tinurn-over sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (Richard Mesa)