NHA, DOST-PTRI lumagda ng 25-year usufruct para sa 8-ektaryang lupain
- Published on July 12, 2025
- by @peoplesbalita
PORMAL nang lumagda ang National Housing Authority (NHA) at ang Department of Science and Technology – Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) ng isang usufruct agreement na nagkakaloob sa DOST-PTRI ng karapatang gamitin ang 8 ektaryang lupain na matatagpuan sa Lot 1834-B, Andam Mouswag Project sa Barangay Imelda, Villanueva, Misamis Oriental.
Sa ilalim ng pamumuno ni General Manager Joeben A. Tai, ipinagkakaloob ng NHA bilang may-ari ng lupa, sa DOST-PTRI ang karapatang gamitin ang nasabing ari-arian para sa pagpapatayo ng DOST-PTRI Technology Center. Ang pasilidad na ito ay tutuon sa textile research at masusing pagpapaunlad ng Philippine Silk Industry.
Ang lease agreement ay nagpapahintulot din sa DOST-PTRI na gamitin ang lupa nang walang bayad sa loob ng 25 taon simula sa susunod na taon, na may option for renewal, ayon sa NHA Board Resolution No. 7474 at sa ilalim ng Transfer Certificate of Title No. 29695.
Bilang kinatawan ni GM Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang seremonya kasama si NHA Commercial and Industrial Estates Department (CIED) Acting Manager Nerissa Subido at ilang opisyal mula sa DOST-PTRI, tulad nina Director IV Julius L. Leano at Senior Science Research Specialist Ephraim H. De Gracia.
Naroroon din sa aktibidad si Mayor Nancy Binay ng Makati na isang tagasuporta ng SEDA Pilipinas Program, na nagsaad ng kaniyang commitment para sa lokal na pagpapaunlad ng silk production at textile innovation.
Maliban dito, tinalakay din ng mga lumahok ang technological support para sa silkworm germplasm resources, silk cocoon production, processing and services para sa kapakinabangan ng mga stakeholders ng Philippine Silk Industry.
Patuloy ang NHA sa adbokasiya nito na makipagtulugan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang matiyak ang ganap na paghahatid ng de-kalidad na serbisyo publiko, na lalong nagpapatatag sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ng isang Bagong Pilipinas. (PAUL JOHN REYES)