Malakanyang, hangad ang malawak at malalim na imbestigasyon ukol sa kaso ng nawawalang mga sabungero
- Published on July 11, 2025
- by @peoplesbalita
HANGAD ng Malakanyang ang malawak at malalim na imbestigasyon sa kaso ng missing sabungero matapos banggitin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang mga sangkot sa kaso ng missing sabungero ay kaparehong tao na sangkot sa drug war.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nais ni Pangulong Marcos na bigyan ng hustisya ang mga biktima.
”Kung ganyan po ang nakikita sa mga imbestigasyon, mas lalo pa po dapat palawigin ‘yung pag-iimbestiga dito dahil mukhang kone-konektado ang mga nagawang krimen kung ito man po ay mapapatunayan,” ang sinabi ni Castro.
”Di po natin sinasabi na sila ay guilty pero mas gusto po ng Pangulo, iuutos po talaga niya na dapat mabigyan ng hustisya ang mga nabiktima,” dagdag na pahayag nito.
Sa ulat, sinabi ni Remulla na mayroong ”intersection” sa pagitan ng drug war at e-sabong dahil ang mga iniugnay sa drug war ay di umano’y sangkot sa pagpapatahimik sa mga sangkot sa sabong.
Nauna rito, sinabi ni Remulla na ang kasong murder, kidnapping, at maging ang paglabag sa international humanitarian law cases ay maaaring ihain sa kaso ng mga sabungero na nawala mula 2021 hanggang 2022.
Inilarawan ng Kalihim ang pagpaslang sa missing sabungero bilang isang “corporate killing”, isiniwalat nito na may mga grupo sa loob ng industriya ang nasa kategorya depende sa kita na kanilang natatanggap.
Maliban sa Alpha Group, sinabi pa rin ni Remulla na mayroong Bravo Group, Charlie Group, at Delta Group. (Daris Jose)