Usec. Castro, walang update sa pag-upo ni Dave Gomez bilang bagong PCO Secretary; Jay Ruiz, nananatling PCO acting Sec.
- Published on July 10, 2025
- by @peoplesbalita
NANANATILING acting Secretary ng Presidential Communications Office (PCO) si Jay Ruiz.
Ito ang naging pahayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang nang muling uriratin ukol sa napipintong pag-upo ng dating journalist at isang corporate communications executive na si Dave Gomez bilang kapalit ni Ruiz.
“Sa aking pagkakaalam, wala pa po. Nananatili pong acting secretary si Jay Ruiz. At kapag mayroon namang bago, kung mayroon man po ha kasi iyan po yata’y lumalabas sa mga bali-balita, wala pa po akong makukumpirma kasi wala pa po ring dumarating sa akin kung anuman po iyong update,” ang sinabi ni Castro.
Binigyang diin naman ni Castro na hindi niya itinatanggi na si Gomez na ang bagong kalihim ng PCO.
“Hindi ko po madi-deny, hindi ko rin po masasabing oo o hindi dahil wala po sa akin pang naibibigay na anuman pong update,” ang pahayag ni Castro.
Kamakailan lamang ay nagpalabas ang Malakanyang ng “reappointment” para kay Ruiz bunsod ng kabiguang masungkit ang kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA).
Ayon sa isang opisyal sa Malakanyang, tinanggap na umano ni Gomez ang alok na pamunuan ang PCO.
Sa kabilang dako, higit na kilala si Gomez bilang reporter ng Philippine Star sa loob ng 11 taon. Mula sa pagiging diyarista, pinasok din ni Gomez ang advertising. Kalaunan, itinalagang director general ng Philippine Information Agency (PIA).
Samantala, kapag di umano’y pormal nang naupo bilang Kalihim ng PCO, apat na Kalihim ng PCO na ang hinirang ng Pangulo — sina Atty. Trixie Cruz-Angeles, Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, Cesar Chavez, at Jay Ruiz. ( Daris Jose)