Malakanyang, sinakyan ang patutsada ni VP Sara kay PBBM na “tumingin sa salamin, at itigil na ang pamumulitika”
- Published on July 10, 2025
- by @peoplesbalita
SINAKYAN ng Malakanyang ang naging pasaring kamakailan ni Vice-President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa naging panawagan ng huli sa mga opisyal ng gobyerno na itigil na ang pamumulitika at magsimula nang magserbisyo sa publiko.Nagbitiw kasi ng mga salita si VP Sara na “Siguro tumingin siya sa salamin, ‘pag sinasabi niya ‘yung i-stop na ang pamumulitika. Kasi sila ‘yung namumulitika.”
Para kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, tama naman na ang ang bawat tao lalong-lalo na pang public servant ay dapat na nananalamin at ina-assess niya iyong sarili niya kung siya ba’y nagtatrabaho, namumulitika o nagbabakasyon lang.
“Ang Pangulong Marcos Jr., alam po niya ang direksiyon niya, alam po niya ang dapat na gawing trabaho at iyan po ang pinag-uutos sa lahat ng public servants lalong-lalo na po sa ilalim ng Executive Department. Ang utos sa amin ay magtrabaho, iwasan ang pamumulitika,” ayon kay Castro.
Binigyang halimbawa ni Castro ang nangyaring event na distribusyon ng PHILIPPINE CHARITY SWEEPSTAKES OFFICE (PCSO) PATIENT TRANSPORT VEHICLES (PTVS) sa piling LOCAL GOVERNMENT UNITS (LGUS) sa LUZON sa Quirino Grandstand, sa Lungsod ng Maynila kung saan pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pagpapasinaya sa pagbibigay ng 387 na ambulances para sa mga LGUs sa bansa.
” Nakita ninyo na rin po kung papaano siya tumulong na mapaunlad pa ang sektor ng agrikultura, pati na po ang mga mangingisda ay nakikinabang sa binibigay po na tulong at ayuda ng pamahalaan ni Pangulong Marcos Jr. Hindi po nag-aaksaya ang panahon ang ating Pangulo para tumulong sa taumbayan. Trabaho lamang po talaga ang nasa isip ng ating Pangulo,” ani Castro.
“Sa ngayon po ba ay nasaan si VP Sara or si Bise Presidente noong iyan ay sinabi niya? Nasaan po ba siya ngayon? The Hague, okay, at ang ating pagkakaalam hanggang kailan po siya doon? Hanggang July 23. So, iyon lamang po. Tandaan po natin, ang Pangulo po aksiyon, aksiyon – hindi bakasyon,” ang pasaring ni Castro.
Sa ulat, pumalag si Vice President Sara Duterte sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyal ng gobyerno na itigil na ang pamumulitika at magsimula nang magserbisyo sa publiko.
“Siguro tumingin siya sa salamin, ‘pag sinasabi niya ‘yung i-stop na ang pamumulitika. Kasi sila ‘yung namumulitika,” saad ni Duterte sa isang ambush interview sa The Hague, Netherlands.
Samantala, naniniwala naman si Catsro na magandang rebyuhin ni VP Sara ang mga sinabi bago pa nito ihayag na si mismong si Pangulong Marcos ang namumulitika kaya ang kampo niya ang dapat na tumigil, habang pagdepensa naman ang ginagawa nila.
“Ang ginagawa lang naming lahat ay sumasagot kami, ‘di ba? Ikaw (Harry Roque) biktima ka din dahil you are known to be an ally and a very close lawyer of President [Rodrigo] Duterte. So, wala naman kaming ginagawang atake.” ayon kay VP Sara.
“Sa aming lahat, ay pagsagot at depensa so sila ang tumigil. At silang nasa administration, sila ‘yung tumigil at sila ‘yung tumutok sa kung ano ‘yung dapat na ibigay para sa taumbayan,” aniya pa rin.
“Tandaan po natin, noong inilunsad po iyong bente pesos na bigas, iyon po ba ay pag-atake sa Bise Presidente? Pero inatake niya po ang proyektong ito ng Pangulo, na bente pesos na bigas at marami pa pong sinabi ang Bise Presidente na hindi naman po issue ng Pangulo at ng gobyerno,” ang tugon naman ni Castro.
Matatandaan na una nang nanawagan si Pangulong Marcos sa mga bagong opisyal na nanumpa sa kanilang tungkulin na ituring ang kanilang mandato na pakikipagtulungan sa Malakanyang sa pagtugon ng mga suliranin ng mga mamamayan.
“Tapos na po ang bahagi ng politika. Serbisyo publiko na ang haharapin niyo ngayon,” saad ni Pangulong Marcos.
(Daris Jose)