• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PAHAYAG MULA SA MGA LISENSYADONG ONLINE GAMING OPERATOR SA PILIPINAS Ang pagbabawal sa legal na online gambling ay pagsuko ng kinabukasan sa mas pinaigting na paglabag ng batas Panawagan ng industriya: mas matalinong mga regulasyon para protektahan ang mga Pilipino

Nagkakaisa at naninindigan ang mga lisensyadong online gaming operator, ang Philippine Amusement and Gaming Corporation at ang mga makabago at responsableng mambabatas sa panawagang lumikha ng mas mahigpit na regulasyon–at hindi ganap na pagbabawal–upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipinong manlalaro, at mapanatili ang pag-usbong ng ekonomiya ng bansa.

Habang pinagdedebatehan sa Kongreso ang iba’t ibang panukala na naglalayong ipagbawal ang online gaming o limitahan ang mga daluyang pinansyal kaugnay nito, nagbababala ang mga lehitimong operator na ang ganap na pagbabawal ay hindi magiging epektibo sa pagpigil sa mga Pilipino sa paglalaro; bagkus, itutulak pa lalo nito ang milyon-milyong Pilipino sa itim na merkado, tungo sa mga namamayagpag na ilegal na operator.

Hindi nabubura ng pagbabawal ang online gaming. Ang tanging binubura nito ay ang mga pananggalang na dapat sana ay magsisilbing proteksyon sa mga Pilipino. Malinaw ang katotohanan: magpapatuloy ang mga manlalaro na maglaro. Pipili lamang sila kung itutuloy nila ito sa mga lisensyado at ligtas na plataporma na sumusunod sa mga regulasyon, o sa itim na merkado–sa mga ilegal na site na walang pananagutan.

May umiiral nang mga pananggalang para sa kaligtasan

Kasalukuyan nang pinapatupad ng lisensyadong sektor ng online gaming ang ilan sa mga pinakamahigpit na proteksyon sa Asya:

  • Mahigpit na Know-Your-Customer at multi-factor authentication

  • Masinsing pagsusuri at pagsiguro na wala ang kahit na sino mang manlalaro sa National Database of Restricted Persons ng PAGCOR
  • Pagtiyak na lahat ng manlalaro ay edad 21 pataasR
  • Mga kasangkapan upang tanggalin ang sarili (self-exclusion tools), at pagmomonitor ng kilos na maaaring mapanganib o at risk
  • Sumunod sa mga patakaran ng mga patalastas o advertisement at siguruhing walang mapanlinlang na mga pahayag
  • Pag-ambag sa pambansang kita, paglikha ng mga trabaho, at pag-unlad ng teknolohiya

Bawat pisong ginugol sa lisensyadong plataporma ay sumusuporta sa mga pampublikong serbisyo – mga paaralan, ospital, at kalsada – at tumutulong na mapanatiling ligtas ang bawat pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng regulasyon. Sa kabilang banda, ang bawat pisong ginugol sa ilegal na site ay perang ninakaw mula sa komunidad at dumidiretso sa mga ilegal na operator na walang pakialam sa ating mga batas.

Mga aral mula sa mundo, lokal na realidad

Ipinupunto ng industriya ang mga aral mula sa mundo na nagpapatunay ng panganib ng ganap na pagbabawal. Sa 195 bansa sa buong mundo, 177 ang pumili na isailalim ang online gaming sa regulasyon. Ang natitirang 18 na bansa, kasama ang North Korea, Iran, at Somalia ay mayroong mga ganap na pagbabawal, at walang nagtagumpay sa pagpigil sa underground o ilegal na gaming. Noong 2006, nagkaroon ng pagbabawal sa Estados Unidos, at nahikayat lamang ang mga Amerikanong manlalaro na mga offshore sites na hindi sumailalim sa regulasyon. Noong 2013, trinabaho ng Estados Unidos na gawing legal ang online gaming upang makontrol muli ang industriya, at nakapagbigay ito ng US$ 71.9 bilyon na kita, at higit US$ 15 bilyon na buwis. Nakita rin ito ng mga bansang Sweden, Brazil, Colombia at Argentina: ang pagbabawal ay nagsisilbing mitsa ng mas malaking krimen; habang susi naman ang regulasyon sa pagkontrol at paggamit nito tungong pang-unlad.

Ang kaso ng Pilipinas

Pareho ang kuwento ng mga numero sa Pilipinas. Mula nang palawaking ang mga legal na online gaming platform at isailalim ang mga ito sa regulasyon noong 2022, umakyat mula P12.3 bilyon tungo sa P54 bilyon ang kinolektang license fees ng PAGCOR noong 2024. Ang pondong ito ay direktang napunta sa mga proyektong pambansa na pinakikinabangan ng bawat Pilipino. Umabot naman sa P112 bilyon ang kabuoang kita ng PAGCOR, at halos kalahati nito ay mula sa online gaming. Mahigit 50,000 na Pilipino ang nagtatrabaho na ngayon sa sektor, karamihan sa mga matataas at mahahalagang posisyon sa teknolohiya, cybersecurity, creative design, at artificial intelligence.

Babala ng mga lisensyadong operator, ang hindi-pinag-isipang pagbabawal, o ang pag-alis ng mga lehitimong payment channel ay sisira lamang sa mga tagumpay na ito, bubura sa libo-libong trabaho, at ibibigay ang buong merkado sa ilegal na mga site. Sa mga ilegal na espasyong ito, mawawala ang lahat ng proteksyon ng mga manlalaro: hindi masisigurong edad 21 pataas lamang ang makakapaglaro, walang seguridad sa data, walang suporta sa problematikong pagsusugal, at walang kontribusyon sa pambansang ekonomiya.

Panawagan sa balanse at matalinong regulasyon

Sa halip na mga pagbabawal na magtutulak sa mga manlalaro na magtago, nanawagan ang industriya sa mga mambabatas na patatagin ang mga patakarang epektibo: maging mas mahigpit sa beripikasyon ng edad at identidad, linawin ang mga limitasyon para sa mga manlalarong at risk, patatagin ang mga pananggalang ng anti-money laundering, pabilisin ang pagsasara ng mga ilegal na site ng hindi lisensyadong operator, at palawakin pa ang edukasyon ng mga mamamayan tungkol sa karapatan bilang panlalaro at responsableng paglalaro.

Maging malinaw tayo: hindi kalaban ang online gaming na may maayos na regulasyon. Ang tunay na banta ay ang pag-usbong ng mga ilegal na operator na inuuna ang kita kaysa ang kapakanan ng mga Pilipino. Hindi takot ang mga legal na operator sa mas mahihigpit na patakaran; ang katotohanan, malugod nila itong tinatanggap. Ang kinatatakutan nila ay ang pagsuko ng kinabukasan ng digital na espasyo sa itim na merkado. Ito ang mas delikado.

Habang abala ang mga kapitbahay nating ASEAN gaya ng Singapore, Malaysia, at Vietnam sa modernisasyon ng kanilang mga regulasyon sa gaming upang higit na magkaroon ng mga investment at protektahan ang mga manlalaro, nanganganib ang Pilipinas na maiwan kung paiiralin ang mga batas na nakabatay sa takot. Bubuwagin ng ganap na pagbabawal ang isang industriyang napatunayan nang kayang lumikha ng trabaho, patatagin ang teknolohiya, at maghatid ng bilyong piso sa kita sa ilalim ng wastong pamamahala. Panawagan sa mga regulator: huwag nang magbukas pa ng mga pinto sa paglabag ng batas. Panatilihing legal, panatilihing ligtas, at panatilihing tunay na Pilipino ang industriya.

Muling pinagtitibay ng mga lisensiyadong online gaming operator ng bansa ang kanilang pangako na makipagtulungan sa pamahalaan, mga regulator, at mga komunidad upang matiyak na ang online gaming ay nananatiling ligtas, malinaw, at may tunay na benepisyal para sa sambayanang Pilipino.

LAGDA NG MGA LISENSYADONG ONLINE GAMING OPERATOR SA PILIPINAS :

1. World Platinum Technologies Inc

2. AB Leisure Exponent, Inc.

3. Total Gamezone Xtreme, Inc.

4. Gamemaster Integrated, Inc.

5. Lucky Taya Gaming Corp.

6. Stotsenberg Leisure Park & Hotel Corporation

7. Igo Digital High Technology Inc.

8. Megabet Corp.

9. Gavin Ventures Inc.

10. Gotech Entertainment Inc.

11. Meta Interactive Software Solutions, Inc.

12. Nextstage Entertainment Inc.

13. Webzoid System Solutions Corporation

14. Trojan Wells Entertainment Corp.