Tulong sa mga nasunugan sa Mandaluyong, ipinaabot nina Romualdez, Tingog
- Published on July 10, 2025
- by @peoplesbalita
NAGPAABOT ng tulong si re-elected Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez kasama ang Tingog Party-list sa halos nasa 600 pamilyang nawalan ng tirahan matapos magkaroon ng sunog sa Barangay Addition Hills nitong nakalipas na Hulyo 5.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at opisina ni Mandaluyong City Rep. Alexandria “Queenie” Pahati Gonzales, ay naglaan ng agarang tulong ang mga ito sa mga residente.
“Ang ganitong mga trahedya ay pagsubok sa ating katatagan, pero panahon din ito ng pagkakaisa. Ang ating tanggapan, kasama ang Tingog at mga kasamahan sa Kongreso, ay handang tumugon saan man at kailanman,” ani Romualdez.
Nagsimula ang relief operations nitong Hulyo 6 sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain sa nasa 1,000 indibidwal at halos 600 relief packs, na naglalaman ng bigas, canned goods, noodles at kape, sa parking area ng Mandaluyong College of Science and Technology.
Pinasalamatan naman ni Gonzales sina Romualdez, Tingog Party-list at ang Marcos administration sa pamamagitan ng DSWD sa agarang tulong.
Simula Hulyo 14, ang DSWD ay magpapalabas ng P10,000 financial assistance kada pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program. Nasa total na P6 million ang inaayos bilang tulong sa pagbangon ng mga pamilyang nasunugan.
“This is a time for action, not just empathy. We are committed to making sure that government support reaches the ground quickly and meaningfully. For every family affected by this fire, we want you to know you are not alone. We will be with you every step of the way,” pahayag ni Romualdez. (Vina de Guzman)