Malabon LGU, nagpatupad ng libreng dokumento para sa mga biktima ng kalamidad
- Published on July 10, 2025
- by @peoplesbalita
NAGPATUPAD ang Pamahalaan ng Lungsod ng Malabon ng bagong ordinansa na nagbibigay ng documentary relief assistance sa mga Malabueño na naapektuhan ng sunog at iba pang kalamidad, na hindi kailangan magbayad ng authentication ng dokumento at record verification fees kapag kumukuha ng official local records.
Ang Ordinansa ng Lungsod Blg. 11-2025, na kilala bilang “Documentary Relief Assistance to Fire and Other Victims of Natural Calamities Ordinance,” ay nilagdaan ni Mayor Jeannie Sandoval at ng Konseho ng Lunsod upang makatulong sa pagpapagaan ng pasanin sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng pagwawaksi ng mga bayarin para sa pagkuha ng birth, marriage, at death certificates.
Ang panukala ay bahagi ng patuloy na pangako ng lungsod na suportahan ang mga biktima habang sila ay nagre-rekober at muling buuin ang kanilang buhay.
Sa pamamagitan po ng ordinansang ito, nais po natin matulungan ang ating mga mahal na Malabueño na naapektuhan ng sunog at iba pang unos. Alam po natin ang bigat na nararanasan nila, kaya naman po ito ay ating ipinatupad para makatulong at mabawasan ang kanilang alalahanin lalo na’t mahalaga ang magkaroon ng mga dokumento para sa kanilang pagkakakkilanlan at iba pang pangangailangan. Naririto lamang po ang pamahalaang lungsod upang umagapay sa inyo,” ani Mayor Jennie.
Maaaring mapakinabangan ng mga karapat-dapat na residente ang kanilang exemption sa loob ng isang taon, sa pamamagitan ng City Civil Registry Office sa pakikipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office.
Isang beses lang ibibigay ang pribilehiyo sa awtorisadong indibidwal— may-ari ng bahay, kanyang asawa, magulang, direktang inapo, tagapag-alaga o institusyon na legal na namamahala sa kanya (kung menor de edad), o sa korte o tamang pampublikong opisyal sa tuwing talagang kinakailangan sa administratibo, hudisyal, o iba pang mga paglilitis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng isang tao.
Ang mga dokumentong inisyu sa ilalim ng ordinansang ito ay magkakaroon ng parehong bisa tulad ng mga naproseso nang may mga bayarin at hindi mawawalan ng bisa. Ang pribilehiyo ay hindi maililipat at maaari lamang ibigay sa mga kwalipikadong indibidwal.
Upang mapigilan ang pang-aabuso, ang ordinansa ay nagpapataw ng mga parusa para sa maling representasyon o mga paglabag.
“Mayroon pong mga sakuna na hindi natin inaasahan gaya ng sunog. Pero makasisiguro po ang bawat Malabueño na tayo ay nakahandang tumulong, at magbigay ng agarang pagrespondee. Makakaasa po ang mga Malabueño na tayo ay palaging nakaalalay sa kanilang mga pangangailangan,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)