• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

40K Pinoy mawawalan ng trabaho sa total ban vs online gambling

TINATAYANG aabot sa 40,000 mga Pilipinong empleyado ang mawawalan ng trabaho kung ipatutupad ang total ban laban sa online gambling  sa bansa.

Ito ang opinyon na inihayag ng neophyte solon na si Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez na iginiit na ang pagbabawal sa operasyon ng online gambling ay hindi solusyon sa problema.

“Banning online gambling won’t make it disappear… it just sends it underground,” ayon kay Benitez sa kanyang Facebook post sa gitna na rin ng magkakaibang paninindigan sa isyu ng mga mambabatas ng Kamara at Senado.

Ayon kay Benitez, ang mga mawawalan ng trabaho sa online gambling ay may mga pamilyang binubuhay. Sa nasabing trabaho kumukuha ng pambili ng pagkain, pantustos sa kalusugan at kanilang kabuhayan. Sa halip, sinabi ni Benitez na kung ire­regulisa ang online gambling ay tinatayang mahigit sa P200 bilyon kada taon ang kikitain ng pamahalaan.

Ang nasabing buwis, ayon pa kay Benitez ay mapupunta sa mga ospital, eskuwelahan, proyekto sa imprastraktura, community programs at social services para sa mga Pilipino. (Daris Jose)