P30M vape product nasamsam ng NBI sa Biñan City, Laguna
- Published on July 10, 2025
- by @peoplesbalita
TINATAYANG aabot sa P30 milyon pang halaga ng hindi rehistradong vape products ang nasamsam ng NBI-Special Task Force sa isang imbakan sa Biñan City, Laguna.
Ayon sa NBI, naaresto sa operasyon sina Kert Lester Simbajon, Javer Dirampatun, at Romeo Cada, na nahaharap sa mga paglabag sa Republic Act No. (RA) 11900 (Vape Regulation Act) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) sa bisa na rin ng kautusan ni NBI Director Judge Jaime Santiago (Ret.) na paigtingin ang kampanya kontra illegal na vape.
Nag-ugat ang operasyon mula sa social media monitoring ng NBI kung saan nadiskubre ang illegal na pagbebenta ng vape sa Cavite at Laguna.
Napatunayang sangkot sa bentahan ng vape na walang BIR tax stamp at DTI registration ang Hype VapeShop sa Bacoor, Cavite sa pamamagitan ng test-buy.
Nang ikasa ang operasyon, nakipagkita noong Hulyo 7,2025 ang mga undercover agents sa mga suspek sa isang coffee shop sa Muntinlupa at dinala sila sa isang storage facility sa Rose Village, Sta. Rosa, Laguna.
Sa nasabing lugar nakita at nakumpiska ang 40,500 vape units na nagkakahalaga ng P31.9 milyon at 3,880 vape pods na nagkakahalaga ng P640,200.
Sumasailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek. (Gene Adsuara)