• April 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 HVI drug suspects, laglag sa buy bust sa Caloocan  

KALABOSO ang dalawang drug suspects na itinuturing bilang High Value Individuals (HVI) matapos bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, 26 at 11 under Article II ng R.A 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina alyas “Tetung”, 34, ng Tondo, Manila at alyas “Tonton”, 41, tricycle driver, ng Maypajo, Caloocan.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District – District (NPD) Acting Director P/BGen  Arnold Abad, sinabi ni P/Capt. Regie Pobadora, OIC chief ng Drug Enforcement Unit (DDEU), dakong alas-4:43 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa Barangay 28, Caloocan City.

Ayon kay Capt. Pobadora, ikinasa nila ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Lt. Victorino Ledesma, sa koordinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng isa sa kanyang mga tauhan.

Nang tanggapin umano ng mga suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer, kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba ng DDEU.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 60 grams ng hinihinalang shabu, na may estimated standard drug price na P408,000 at buy bust money. (Richard Mesa)