DOH, may sapat na pondo para bayaran ang mga sinisingil ng mga pribadong ospital
- Published on July 9, 2025
- by @peoplesbalita
MAY sapat na pondo ang Department of Health (DOH) para bayaran ang claims o mga sinisingil ng mga pribadong ospital para sa serbisyo at paggamot na ibinigay sa mga indigent patients.
Dahil dito, itinanggi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na may ilang health facilities ang itinigil na ang pagtanggap ng government guarantee letters saklaw ang mga hospital bills ng mga pasyente na walang pinansiyal na kakayahan na magbayad.
Sa katunayan, may 39 hospitals sa Batangas ang nahaharap sa isyu na may guarantee letters dahil sa ‘incomplete o missing documentation.’
“Hindi naman po nagkakaproblema ang gobyerno patungkol po sa pagbabayad ng mga bills po ng ating mga kababayan na covered po ng guarantee letters,” ayon kay Castro.
“Dito lamang po sa 39 hospitals na kinakailangan po ng DOH iyong ibang mga dokumento para po sila’y mabayaran. So doon po sa maniningil na mga hospitals, kumpletuhin lang po iyong inyong mga dokumento dahil po ang DOH ang sinasabi sa atin ay may sapat na pondo,” aniya pa rin.
Winika pa ni Castro na sa ilalim ng Universal Health Care Act at isang memorandum of agreement (MOA sa pagitan ng DOH at mga pribadong ospital, ang huli ay kinakailangan na maglaan ng 10% ng kanilang authorized bed capacity para sa mga mahihirap na pasyente.
Aniya, ang mga indigent patients ay “entitled to zero hospital billing through the Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).”
Sinabi pa ni Castro na maaari ring bisitahin ng mga ito ang DOH hospitals na hindi na kailangan pa ang guarantee letters mula sa mga government official.
(Daris Jose)
