• April 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mahigit na P500M, inilaan para ibalik ang San Juanico bridge load limit- PBBM

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigit sa P500 milyong piso ang inilaan para maibalik ang load limit ng San Juanico Bridge sa 12 hanggang 15 metriko tonelada sa December 2025.

Sa pagsasalita sa grand launch ng Phases 2 at 3 ng National Fiber Backbone (NFB) project sa Palo, Leyte, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na bilisan ang ‘retrofitting’ at kompletuhin ang restoration o pagpapanumbalik ng tulay, tinukoy ang paghihirap ng mga residente, negosyante at byahero sa rehiyon.

”May higit kalahating bilyong piso na pondo ang nakalaan para maibalik sa labindawala hanggang labinlimang metric tons ang load limit sa susunod na Disyembre,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.

Samantala, matatandaang sinabi ni Pangulong Marcos na nais niyang itaas ang load limits sa San Juanico Bridge sa Disyembre ngayong taon.

“Ang schedule namin dapat by December, before the end of the year, ang pwede ng gamitin na sasakyan hanggang 12 tons,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang episode ng BBM Podcast.

“That’s a test, sabi ko ‘pag hindi n’yo natapos ‘yan, tatanggapin ko ‘yung resignation ninyo,” ang babala ng Pangulo.

Sa kabilang dako, humingi naman ng paumanhin ang Pangulo sa mga residente ng Samar at Leyte na apektado ng rehabilitasyon, sabay sabing hangad ng gobyerno ang kanilang kaligtasan.

“Well, sorry na nangyari ito, alam ko ‘yung nararanasan ninyo, nararanasan ng ating mga transport operators, nararanasan ng ating mga negosyante,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Kaya asahan ninyo minamadali namin na maayos kaagad ito,” aniya pa rin.

(Daris Jose)