Ilang senador, may napipisil ng Senate President sa 20th Congress
- Published on July 6, 2025
- by @peoplesbalita
SA OPISYAL na pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo 28, maghahalal o pipili ang 24 na mga senador ng bagong uupong Senate President.
Tatlong pangalan ang matunog na magtatagisan sa pagkapangulo ng Senado — na kinabibilangan ni Senador Francis “Chiz” Escudero na kasalukuyang Senate President; Vicente “Tito” Sotto III na dati nang nagsilbing Senate President noong 2018 hanggang 2022;ang reelectionist na si Imee Marcos na itinutulak na tumakbo bilang pangulo ng Senado.
Kasabay nila, may ilang senador na rin ang nagpahayag ng kanilang susuportahan na uupong Senate President.
Sa isang panayam kay Senador Alan Peter Cayetano, sinabi nito na kung ngayon ang magiging botohan, tiyak na panalo na si Escudero bilang pangulo ng Senado sa 20th Congress.
Isiniwalat nitong mayroong suporta si Escudero mula sa mahigit 13 mga senador o majority votes.
Naniniwala naman si Senador Joel Villanueva na mananatili pa rin si Escudero bilang Senate President sa 20th Congress.
Aniya, aabot sa 13 ang bilang ng mga senador na boboto kay Escudero sa pagka-Senate President.
Aminado rin ito, na marami na raw sa mga senador ang nagpahayag ng suporta kay Escudero bilang pangulo ng Senado.
Wala naman daw pinapaikot na resolusyon para lumagda ang mga senador ng suporta ngunit naguusap-usap silang mga mambabatas.
Ang magkapatid na Tulfo naman na sina Senador Raffy at Erwin ay susuportahan ang magiging pasya ng mayorya sa pagka-Senate President.
Sinabi pa ng senador na posibleng kasama siya sa 13 senador na susuporta kay Escudero na unang sinabi ni Villanueva.
Paliwanag ni Tulfo, kaya sa mayorya sila sasama ay dahil madalas ito ang tumutulong sa mga iniuutos o nais na mga ipasang panukala ng administrasyon. ( Daris Jose)