Mister, kalaboso sa panunutok ng baril at pagtangay ng motor ng ka-barangay
- Published on July 6, 2025
- by @peoplesbalita
KALABOSO ang 44-anyos na lalaki matapos tutukan ng baril at pagbantaan pang patayin ang may-ari ng motorsiklong kanyang tinangay sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Acting Police chief P/Col. Gerson Bisayas, mahaharap sa kasong paglabag sa R.A 10883 o ang Anti-Carnapping Law, Grave Treat at R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act ang suspek na si alyas “Eman”, Brgy. Gen T De Leon.
Sa imbestigasyon ni P/MSgt. Harold Ian Sagun, dakong alas-7 ng umaga nang matuklasan ng biktimang si Gedeon Roldan, 37, truck helper, ng Gumamela Street ang pagkawala ng kanyang Yamaha Mio Sporty motorcycle na ipinarada niya sa harap ng Magnolia Homes, Santolan Road, Brgy. Gen T De Leon.
Nang rebisahin ang kuha ng CCTV ng barangay, nakita nila ang pagtangay ng suspek ng kanyang motorsiklo kaya pinuntahan ng biktima si alyas Eman sa bahay nito upang komprontahin.
Gayunman, nauwi sila sa pagtatalo hanggang maglabas umano ng baril ang suspek at tinutukan ang biktima sabay binantaang patayin kaya humingi na ng tulong si Roldan sa Patrol Base 2.
Kaagad namang rumesponde sina Pat. Raymundo Gamboa, Pat. Dominic Dela Cruz at Pat. Sherwin Caampued na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpiska sa kanya ang isang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala at nabawi din ang motorsiklo ng biktima. (Richard Mesa)