• April 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DA, INALIS NA ANG IMPORT BAN SA ANIM NA ESTADO SA ESTADOS UNIDOS

INALIS na ng Department of Agriculture (DA) ang pansamantalang pagbabawal sa importasyon ng domestic at wild birds, gayon din sa poultry meat at mga  produkto mula sa anim na estado sa Estados Unidos:  Indiana, Maryland, Missouri, New York, Ohio at Pennsylvania.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa kanyang inisyung Memorandum Order no. 32, ang pagbabawal na ipinatupad sa mga unang buwan ng taon ay dahil sa pagkalat ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) na inalis na matapos kumpirmahin ng mga veterinary authority sa US na naresolba na ang pagkalat nito. Ang report na isinumite sa World Organisation for Animal Health, ay nagsasaad na walang mga bagong kaso ng bird flu sa mga apektadong lugar simula June 9.
Ang pagbabalik ng importasyon ay inaasahang  magpapalakas sa  poultry supply ng bansa at makakatulong na mapagaan ang pressure sa presyo, alinsunod sa pagsisikap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masiguro ang seguridad sa pagkain sa harap ng inflation. Ang tumataas na presyo ng pagkain ang nananatiling susi sa pagbilis ng inflation sa bansa.
Kabilang sa mga sakop ng pag-alis sa import ban ay ang  poultry products tulad ng itlog, day-old na mga sisiw, at semilya na ginagamit sa artificial insemination.
Gayonman, sinabi ni Secretary Tiu Laurel  na lahat ng padating na kargamento ay dapat na sumunod sa umiiral na veterinary quarantine protocols at food safety regulations ng DA. Ang pag-alis ng ban  ay mananatiling epektibo maliban na lamang kung bawiin ito sa panulat.
Ang update sa polisiya ay muling pagpapatibay sa pangako ng DA na ang mga desisyon ay nakabatay sa siyensiya at responsableng pandaigdigang  kalakalan. (PAUL JOHN REYES)