MANILA LGU, nakatanggap ng notice of disconnection
- Published on July 5, 2025
- by @peoplesbalita
NAHAHARAP sa panibagong problema ang pamahalaang Lungsod ng Mayila nang makatangggap ng notice of disconnection mula sa mga service provider makaraang abisuhan na puputulin ang pangunahing serbisyo sa mga hospital , eskuwelahan at opisina na pinatatakbo ng Manila LGU.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, nakatanggap ang Manila LGU ng disconnection notices sa mga hindi nabayaraang bill na nagkakahalaga ng P113,596,710.54, na sumasaklaw sa kuryente, tubig at Internet service sa mga eskuwelahan, ospital at iba pang pasilidad ng pamahalaan sa siyudad
Gayunpaman, pinakiusapan ng Alkalde ang Meralco, Maynilad, Manila Water, PLDT, Globe Telecom, Smart Communications, Converge ICT at Cignal TV, at sinabing walang kapera-pera ngayon ang pamahalaang lungsod.
Paglilinaw naman ng alkalde na bahagi ng reality check na nagkaroon ng malalang financial mismanagement ang gobyerno ng Maynila at wala siyang sinisisi.
Natuklasan din ng alkalde na may P300-milyon na bayarin sa buwis sa Bureau of Internal Revenue, na kanyang dinatnan.
Ito ay bukod pa sa P113,596,710.54 na hindi nabayarang bills.
Humingi ng dalawang buwang palugit si Mayor Isko sa mga service provider upang makapag-adjust hanggang sa malutas ang krisis pinansiyal ng lungsod at mabayaran ang nakapalaking pagkakautang.
“Lahat ng naikubling singilin, itinago o ipinagkaila, ngayon bumubulagta sa amin,” saad ng alkalde.
Umapela si Domagoso para sa pang-unawa mula sa mga service provider, na humihiling ng dalawang buwang pagpapaliban upang bigyang-daan ang lungsod na lutasin ang mga isyu nito sa pananalapi at abutin ang mga hindi nababayarang bayarin.
Pwede ba makisuyo, huwag n’yo muna kami putulan ng kuryente, tubig, internet? Pagbalik ninyo sa mga boss n’yo, sabihin ninyo, bigyan niyo kami ng breathing room,” pakiusap ni Domagoso.
Idinagdag niya na ang anumang magagamit na savings ng lungsod – kabilang ang mga pondo na nakuhang muli mula sa 5,930 job order workers – ay gagamitin upang bayaran ang mga kagyat na obligasyon. (Gene Adsuara)