• April 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa pagkakadawit sa kanya sa kaso ng pagkawala ng mga biktimang sabungero… NEGOSYANTENG SI ‘ATONG ANG, NAGHAIN NG REKLAMO VS. ALYAS TOTOY’

NEGOSYANTENG si Charlie “Atong” Ang, pinanumpaan ang reklamong inihain sa Mandaluyong Prosecutor’s Office laban kay Julie “Dondon” Patidongan o alyas “Totoy at Alan Bantiles, kilala rin bilang “Brown.”

Isinapormal na nito ang kanyang reklamo laban sa isang nagpakilalang testigo bilang si alyas ‘Totoy’ na siyang nagbunyag ng akusasyong nagdadawit kay Ang sa kaso ng pagkawala ng mga biktimang sabungero.

Inihain ng kampo ni Atong Ang kasama ang kanyang legal team na pinangunahan ni Atty. Lorna Kapunan ang complaint-affidavit sa Mandaluyong Office of the City Prosecutor umaga ng, Hulyo 3.

Si Patidongan ang dating guwardiya sa Manila Arena na lumutang kamakailan bilang whistleblower sa kaso ng mahigit 100 nawawalang sabungero. Sa kanyang mga pahayag, idinawit niya sina Ang at aktres na si Gretchen Barretto bilang mga umano’y utak sa likod ng serye ng pagdukot at pagpatay.

Ayon sa complaint affidavit na inihain ng kampo ni Ang, sina Patidongan at Bantiles ay magkasabwat umanong gumawa ng mga krimen gaya ng attempted robbery with violence and intimidation, grave threat, grave coercion, incriminating innocent persons, at paninirang-puri laban kay Ang.

Sa isang naunang pahayag nitong Miyerkules, Hulyo 2, tinawag ng kampo ni Ang ang mga akusasyon ni Patidongan bilang “malisyoso, walang basehan, at pawang kasinungalingan.”

Giit ni Ang, wala siyang kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero at mula pa sa simula ay nakikipagtulungan na siya sa mga awtoridad para malinawan ang isyu.

Hinimok din ng negosyante ang publiko at media na huwag agad maniwala sa mga akusasyon na walang sapat na ebidensya at iginiit ang kahalagahan ng due process sa halip na trial by publicity.

Ayon pa sa abugado ni Ang na si Lorna Kapunan, sinubukan umanong kikilan ni Patidongan si Ang ng P300 milyon kapalit ng hindi pagbabanggit sa kanya bilang “mastermind” sa kaso. Dagdag pa niya, nawawala ang kredibilidad ni Patidongan dahil sa pagkakasangkot umano nito mismo sa mga pagdukot.

Sa panayam ng GMA News at News5, sinabi ni Patidongan na si Ang umano ang nag-utos sa serye ng pagdukot sa mga sabungero mula 2021, dahil sa umano’y pandaraya sa mga sabong. Pinangalan din niya sina Eric Dela Rosa at Celso Salazar bilang mga kasabwat, at binanggit si Barretto na palaging kasama umano ni Ang.

(Text & Photos by Boy Morales Sr.)