Pagsasapubliko ng anumang transaksiyon patungkol sa gobyerno, mas maganda -Malakanyang
- Published on July 2, 2025
- by @peoplesbalita
PARA sa Malakanyang, mas maganda talaga na maging transparent ang bawat galaw ng mga mambabatas at anumang transaksyon patungkol sa gobyerno para sa taumbayan.
Tugon ito ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa naging pahayag ni House Speaker Martin Romualdez na suportado nito ang panawagan na ma-institutionalize ang transparent na budget process sa pamamagitan ng pagbubukas sa bicameral deliberations sa publiko.
Bahagi ito ng mas malawak na reporma sa budget na isusulong sa pagbubukas ng 20th Congress.
“We respect the independence of the Congress pero kapag po ang pinag-usapan ay pagsasapubliko ng anumang transaksiyon patungkol sa gobyerno mas maganda po talaga na maging transparent ang bawat galaw ng mga mambabatas para sa taumbayan,” ani Castro.
Sa ulat, sinabi ni Romualdez na ang transparency at pananagutan ang dapat na magsilbing haligi ng budget process kaya sinusuportahan niya ang hakbang na isapubliko ang diskusyon sa bicameral conference committee.
Sa pamamagitan aniya nito ay maibabalik ang tiwala ng mamamayan at masisigurong ang national budget ay sumasalamin sa kapakanan ng mga Pilipino.
Paliwanag ng Speaker, ang pag-livestream sa bicam proceedings para sa real-time access ng taumbayan at stakeholders ay makatutulong na gawing bukas sa pagbusisi ang budget process.
Binigyang-diin pa ni Romualdez na nakahanay ito commitment ng kanyang legislative leadership na protektahan ang pondo ng bayan.
Ang #OpenBicam campaign na itinutulak ng reform advocates ay nagsusulong ng full disclosure sa bicam deliberations na karaniwang pinal na yugto ng pag-reconcile sa House at Senate versions ng pambansang budget.
Dagdag pa ng leader ng Kamara, nailatag na sa 19th Congress ang pagpapaigting sa budget transparency partikular ang accountability measures kaya kailangang ituloy ang momentum sa pinaka-sensitibong proseso. (Daris Jose)