• April 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LWUA, nagsumite na ng report sa Office of the President kaugnay sa imbestigasyon sa PrimeWater – Malakanyang

NAGSUMITE na ang Local Water Utilities Administration (LWUA) ng report nito sa Office of the President (OP) hinggil sa imbestigasyon sa operasyon ng water service na ipinagkakaloob ng PrimeWater.

Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na may isang folder at dalawang balikbayan boxes ang dokumentong isinumite sa OP.

”So, nabigyan po tayo ng kopya kahapon at nabigyan na rin po ang Office of the President at ito po ay aaralin. Asahan ninyo po na mabilisan pong aaralin ito para sa mga consumers po ng PrimeWater,” dagdag na wika nito.

“If needed, legal actions will be undertaken once the OP finishes studying LWUA’s report,” ayon kay Castro.

Sa ulat, ipinag-utos ng Pangulo ang imbestigasyon sa operasyon ng PrimeWater Infrastructure Corp. dahil sa ilang reklamo ukol sa serbisyo nito.

Sinabi ni Castro na hindi kukunsintihin ng administrasyong Marcos ang ‘insufficiency of services’ ng PrimeWater.

Binigyang diin ni Castro na dapat lamang na tinutugunan ang pangangailangan ng publiko.

Para naman sa PrimeWater, nangako ito na magiging bukas sa anumang makabuluhang dayalogo na lulutas sa anumang alalahanin habang pinanindigan na committed ito na makipagtulungan sa LWUA.  (Daris Jose)