Naglalayong mabigyan ng buwanang ayuda ang lahat ng matatandang Pilipino… Universal Social Pension, muling inihain sa Kongreso
- Published on July 2, 2025
- by @peoplesbalita
SA pagbubukas ng 20th Congress, muling inihain ni United Senior Citizens Partylist Rep. Milagros Aquino-Magsaysay ang panukalang Universal Social Pension (USP) na naglalayong mabigyan ng buwanang social pension ang lahat ng matatandang Pilipino na aabot sa mahigit labing-dalawang (12) milyon.
Bagama’t sinuportahan ni Speaker Martin Romualdez at ng mayorya ng mga mambabatas, pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa nagdaang Kongreso, matatandaang hindi umusad ang bersyon nito sa Senado.
“Ako po ay hindi mapapagod at hindi titigil na ipaglaban at tayuan ang mga karapatan, pribilehiyo at benepisyo ng ating mga nakatatanda. Matagal na po silang nananawagan, nagtitiis at nagsusumamo sa ating pamahalaan sa kaunting tulong na ito. Ibigay na po natin sa kanila hindi bilang ayuda, kundi bilang respeto at paggalang sa kanilang mga ambag sa ating lipunan,” anang mambabatas.
Umaasa rin ang Kongresista na tulad noong 19th Congress ay susuportahan din ng mga bagong miyembro ng Kongreso ang nasabing panukala.
Bukod dito, inihain din ni Magsaysay ang ilan pang mahahalagang panukalang magbibigay ng pantay na pagkilala at ibayong pagmamalasakit sa mga nakatatanda tulad ng Philippine Geriatric Center Act na magtatakda ng sapat na pasilidad sa mga pampublikong pagamutan para sa mga matatanda at Anti-Senior Citizens Abuse Act na magpapataw ng kaukulang parusa para sa anumang uri ng pang-aabuso sa mga nakatatanda.
Kabilang din sa mga batas na inihain nito ang Philippine Dementia and Alzheimer Care Policy, Matatanda Ating Mahalin (Long Term Care) Act, Employment Opportunities for Senior Citizens and Private Entities Incentives Act, Expanded Senior Citizens Act, Sangguniang Nakatatanda, Senior Citizens Day Care Center Act, at Instituionalized Five Percent Senior Citizens Allocation.
Sa huli, sinabi pa ni Magsaysay na sentro ng kanyang mga pangunahing panukala ang pagbibigay halaga sa prinsipyo ng social justice at pagpapayabong ng kultura nating mga Pilipino na mapag-alaga at mapagkalinga sa mga nakatatanda.
(Vina de Guzman)