PBBM, pumiyok: Walang agricultural policy para sa mahabang panahon
- Published on July 1, 2025
- by @peoplesbalita
INAMIN ni Pangulong Ferdinand ‘Marcos Jr. na kulang sa agricultural policy ang Pilipinas kaya’t matagal na hindi agad na tulungan ang sektor ng agrikultura.
Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang pakikipag-ugnayan sa national grand winners ng 50th Gawad Saka: Parangal sa mga Natatanging Magsasaka at Mangingisda sa isang forum sa Science City of Muñoz sa Nueva Ecija.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit ang mga kabataan ay hindi man lang napapasama sa farming activities, idagdag pa na hindi nila nakikita ang ‘good career path’ agricultural sector.
”Medyo hindi natulungan ang agrikultura nang matagal eh. Wala tayong agricultural policy, masyado nang napakatagal. Kaya’t sasabihin ng mga bata, ‘Ba’t tayo papasok diyan, walang pupuntahan ‘yan, hanggang diyan na lang ‘yan.’ Kaya’t ngayon, babaguhin natin lahat ‘yan,” ayon kay Pangulong Marcos.
Tinukoy naman ng Pangulo ang pangangailangan para sa modernong teknolohiya para gawing mahusay ang agricultural sector, particular na ang ani sa bansa.
“This will also attract the youth to engage in farming,” ayon sa Chief Executive.
”Kailangan natin pumasok sa mga bagong teknolohiya dahil ‘yun kailangan talaga natin para ‘yung bawat ektarya natin, mas malaki ang yield. Mas malaki ang ani,” ang winika pa ni Pangulong Marcos.
Tinuran pa ng Pangulo na ang mga kabataan ang magtuturo sa ibang magsasaka sa paggamit ng teknolohiya.
”Sila ang magtuturo sa atin ng mga bagong teknolohiya at ‘yan palagay ko ay magiging interesting na ‘yan para sa ating mga kabataan. Makikita nila na may magandang hanapbuhay naman ang magsasaka,” aniya pa rin. (Daris Jose)