Kauna-unahang panukalang batas ni Speaker Romualdez na ‘RICE’ bill, inihain
- Published on July 1, 2025
- by @peoplesbalita
INIHAIN ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kauna-unahang panukalang batas o House bill no. 1 na naglalayong ireporma ang National Food Authority (NFA) upang makatulong na maibaba ang presyo ng bigas, ma-stabilize ang supply at mapalakas ang suporta sa mga magsasakang pinoy.
Aamyendahan ng panukalang “Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act,” ang Rice Tariffication Law at isinusulong na maibalik ang regulatory powers ng NFA upang maiwasan ang hoarding, profiteering at price manipulation.
“Rice is life, and it is the soul of every Filipino family’s dining table. That is why this bill is the very first we filed in the 20th Congress. It reflects our singular focus on the daily struggle of every Filipino family to put affordable food on the table, and the need to reward our farmers with fair prices for their hard work,” ani Romualdez.
Sinabi ng mambabatas na ang panukala ay kaakibat sa Bagong Pilipinas campaign at pangarap ni Pangulong Bongbong Marcos na maibaba ang presyo ng bigas sa ppinakamababang lebelo ng hindi naman makakaapekto ng negatibo sa magsasaka.
Kasama sa mga awtor ng panukala ay sina Tingog Party-list Reps. Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre.
Sa ilalim ng RICE Act, ibabalik sa NFA ang awtoridad nito na magrehistro at lisensiyahan ang mga grain warehouses, magsagawa ng inspections at i-monitor ang rice trade.
May kapangyarihan din itong kumpiskahin ang itinagong o hinoard na rice stocks at ilabas sa publiko upang kontrahin ang artificial shortages o price spikes.
“Hindi na puwedeng patuloy na ginagamit ang krisis sa pagkain bilang oportunidad para kumita ang iilan. Dapat may kakampi ang konsyumer sa gobyerno, at dapat din may kakampi ang magsasaka. Through this bill, we restore that balance,” anang Leyte solon.
Inaatasan din sa panukala ang NFA na mag-maintain ng buffer stocks na kukunin mula sa local palay at magtalaga at magpatupad ng floor price para sa pagbili ng palay.
Nangangahulugan aniya na maibebenta ng mga magsasaka ang kanilang ani sa tama o patas na presyo habang mabebenipisyuhan naman ang consumers nang mas maaasahan at mas murang halaga ng suplay ng bigas.
“We cannot fight hunger without confronting price manipulation. This bill is not about going backwards to failed models. It is about smarter regulation that meets today’s challenges like climate shocks, global price volatility and local production gaps,” pahayag ni Romualdez. (Vina de Guzman)