• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:22 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, nagsagawa ng site inspection sa mga proyektong pabahay nito

NAGSAGAWA ang National Housing Authority (NHA) ng site inspection sa mga proyektong pabahay nito tulad ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) sa Washington Homes 5 & 6 at Villa Jose, gayundin para sa mga empleyado ng pamahalaan at uniformed personnel mula sa Masskara Village, Vista Alegre at Ciudad Felisa sa Negros Occidental.

Layunin ng inspeksyon na pabilisin ang kasalukuyang konstruksyon ng mga pabahay at masiguro ang mabilisang pag-“take-out through HDMF (Pag-ibig Fund)” ng mga housing units para sa mga karapat-dapat na benepisyaryo ng ahensya.

Sa gabay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ang inspeksyon ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, kasama ang mga opisyal ng NHA at ni Escalante City Mayor Melecio J. Yap Jr.

Matatandaan na sa kanyang nakaraang inspeksyon sa Region 6, idiniin ni GM Tai, “Mahigpit nating binabantayan ang progreso at agarang isinasagawa ang mga hakbang upang tuluyang mailipat ang mga bahay sa mga benepisyaryo. Matagal nang naghihintay ang mga pamilyang nawalan ng tirahan, utang natin sa kanila na tuparin ang ating pangako.”

Ang pangakong ito ay sumasalamin sa pamumuno ni GM Tai na patuloy na pagsubaybay at pagpapabuti ng implementasyon ng mga proyekto ng NHA, lalo na bilang tugon sa mga project delays at quality concerns.

Ang YPHP, na inilunsad noong 2014, ay naglalayong magbigay ng permanente at disaster-resilient na mga tahanan sa mga pamilyang naapektuhan ng Super Bagyong Yolanda noong 2013. Sa Negros Occidental pa lamang ay mahigit 27,000 unit na ang inilaan para sa pitong component cities at dalawang munisipalidad nito.

Patuloy na pinapabilis ng NHA ang konstruksyon, paglutas ng mga issue sa site, at ang pakikipagtulungan ng ahensya sa mga lokal na katuwang nito upang matiyak na ang lahat ng natitirang unit ng YPHP ay maisalin sa loob ng takdang panahon ng administrasyong ito.

Nanatiling matatag ang NHA sa misyon nitong hindi lamang magtayo ng mga bahay, kundi ibalik ang pag-asa at dignidad sa mga pamilyang Pilipinong sinalanta ng kalamidad, sa pagtupad ng mandato nito alinsunod sa bisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa isang Bagong Pilipinas. (PAUL JOHN REYES)