Malimit na pagta-travel abroad ni VP Sara Duterte kinukuwestiyon ng mambabatas
- Published on June 23, 2025
- by @peoplesbalita
“Sara all.”
Ito ang reaksyon ni House Spokesperson Atty. Princess Abante nang tanungin ukol sa naging biyahe ni Vice President Sara Duterte sa Australia, kung saan napaulat na pagdalo nito sa “Free Duterte Now” rally bilang suporta sa kanyang amang si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte.
Sinabi ni Abante na hindi niya makumpirma kung ang biyahe ng VP ay personal o official, ngunit iginiit nito na ang isang halal na opisyal ay dapat gamitin ang panahon at oras para sa pagbibigay serbisyo sa taumbayan at hindi lamang para sa personal agenda.
“Pero alam n’yo, hindi ko alam kung if that is an official travel or if it’s a personal travel. But lagi-lagi, bilang halal na opisyal ng bayan, ‘yung oras mo na ginugugol, oras mo sa loob at labas ng ating bansa, ito man ay pang-personal o official, dapat para sa taumbayan, hindi sa personal na interes,” giit nito.
Napaulat ang pagbiyahe ng VP sa Australia at pagdalo sa “Free Duterte Now” rally na nagbigay pag-alala sa ilang watchdog groups at political observers, partikular na ang isyu na lumilitaw na may pagka-partisan ito.
Ilang ulit nang nanawagan ng transparency at accountability ang Kamara sa government spending, lalo na sa mga nagdaang kontrobersiya na bumabalot sa paggamit ng VP sa confidential funds noong kanyang termino bilang education secretary. (Vina de Guzman)