Wanted na magnanakaw sa Malabon, nalambat sa Navotas
- Published on June 23, 2025
- by @peoplesbalita
MAKALIPAS ang may sampung taon, nalambat ng pulisya sa Navotas City ang wanted na kawatan na apat na ulit gumawa ng pagnanakaw sa Malabon City.
Pasado alas-4 ng hapon nang madakip ng mga tauhan ni Navotas Acting Police Chief P/Col. Renante Pinuela si alyas “Totoy” sa Brgy. NBBS Kaunlaran makaraang inguso ng impormante ng Navotas Police Sub-Station-4 ang kanyang kinaroroonan.
Kasama ng mga pulis ng Sub-Station -4 ang operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Navotas police nang isilbi sa akusado ang warrant of arrest na inilabas ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 170 na may petsang Setyembre 22, 2015 para sa kasong apat na bilang na Robbery with Force and Intimidation.
Ayon kay Northern Police District -Public Information Office (NPD-PIO) head P/Maj. Marcelina Pino, aabot sa P400,000.00 ang kabuuang piyansang inilaan ng hukuman sa apat na bilang ng kasong pagnanakaw, gamit ang puwersa at pananakot, para sa pansamantalang paglaya.
Pinuri naman ni NPD Director P/BGen. Arnold Abad, ang Navotas police sa kanilang pagsisikap na tugisin ang mga taong wanted na pinaghahanap ng batas. (Richard Mesa)