EDSA rehab, hindi dapat umabot ng dalawang taon
- Published on June 23, 2025
- by @peoplesbalita
HINDI dapat umabot ng dalawang taon ang rehabilitasyon ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), isa sa ‘busiest thoroughfares’ sa Metro Manila.
Ito’y matapos sabihin ni Pangulong Marcos na masaya siya sa naging desisyon na isuspinde ang planong ‘full rehabilitation’ ng EDSA para pagaanin ang sitwasyon ng publiko lalo na ng mga mananakay.
“Hindi ko matanggal-tanggal sa pag-iisip ko. ‘Yung nasa kotse ka, nasa EDSA, makikita mo alas 12 na ng gabi. Ang haba pa ng pila, nag-aantay ng bus. Tapos ‘yun, pag-uwi nun, gigising na alas 4 ‘yun. Mag-aantay na naman ng bus para makapasok na alas 7, alas 8,” ang sinabi ng Pangulo sa pinakabagong episode ng kanyang podcast na in-ere, araw ng Biyernes.
“Hindi puwedeng ganyan na napakahirap na, dadagdagan pa natin ng kahirapan. Siguro naman may bagong sistema diyan na hindi natin kailangang isara o kung gagawin ay hindi dalawang taon,” ang pahayag ng Chief Executive.
Winika pa ni Pagulong Marcos na ang bagong sistema ay dapat na ikonsidera para mapaikli ang timeline para sa pagkukumpuni ng EDSA.
Aniya, ang paghihirap ng mga motorista at mga mananakay ay hindi dapat patagalin.
“Hanap tayo ng bagong teknolohiya . There are new technologies,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sabay sabing “Mukhang kakayanin ng hindi dalawang taon kasitwo yearsng pagdurusa. Hindi mo pwedeng gawin sa tao ‘yun.”
Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pansamantalang pagpapaliban ng nakatakdang rehabilitasyon ng EDSA sa loob ng isang buwan, upang bigyang-daan ang mas epektibong paghahanda sa mga hakbang para maibsan ang inaasahang matinding trapiko.
Inanunsyo ito ng Pangulo sa gitna ng mga pangamba ng publiko sa posibleng dagdag na oras sa byahe bunsod ng dalawang taong rehabilitasyon na orihinal na nakatakdang simulan ngayong Hunyo.
Ang EDSA ay may habang 23.8 km at isa sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, na dinaraanan ng daang libong motorista at pasahero araw-araw.
Bago pa man umpisahan ang proyekto, nakararanas na ng matinding trapiko ang lugar, lalo na sa rush hour.
Kasama sa mga isasaalang-alang ng pamahalaan sa loob ng isang buwang suspensyon ay ang pagsusuri sa cost-benefit ng proyekto, gayundin ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang mapabilis ang rehabilitasyon kung ito man ay muling itutuloy.
Ayon pa sa Pangulo, pag-aaralan muna ng DOTr at ng DPWH ang mga alternatibong solusyon upang mabawasan ang abala sa mga commuter bago tuluyang simulan ang nasabing proyekto.
Layon ng hakbang na ito na tiyaking hindi malalagay sa alanganin ang araw-araw na byahe ng mga manggagawa, estudyante, at iba pang umaasa sa pampublikong transportasyon. (Daris Jose)