PAGCOR, DICT lubos ang pagsusumikap para malansag ang illegal gaming websites
- Published on June 21, 2025
- by @peoplesbalita
LUBOS ang pagsusumikap ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na tuluyang malansag ang lahat ng illegal gaming websites sa bansa.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro labis na nag-aalala ang gobyerno sa maliwanag na pagtaas ng bilang ng mga Filipino na nagiging adik sa online games.
Sa ngayon, ang naalis pa lamang ng DICT ay 7,000 unauthorized online gaming sites na tinukoy ng PAGCOR.
“Ang problema po ngayon ng gobyerno ay marami pong illegal na gaming websites,” aniya pa rin.
“Kapag po naipasara, mag-iiba na ng website. Pero hindi po titigil ang PAGCOR at ang DICT sa pagtanggal ng mga ganitong klaseng website. Kaya lamang po ay magiging paulit-ulit dahil paulit-ulit silang nagbabago ng kanilang website,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Tiniyak ni Castro na hindi kailanman kukunsintihin ng gobyerno ang paglaganap ng ‘unlicensed Internet gaming platforms,’
Hinikayat ang publiko na huwag i-promote ang illegal websites.
At nang tanungin kung may plano ang gobyerno na magpatupad ng ‘total ban’ sa online games, gaya ng Scatter, sinabi ni Castro na hindi ito magagawa dahil lisensiyado at accredited ito ng PAGCOR.
Gayunman, tiniyak ni Castro na ang Scatter at iba pang PAGCOR-licensed online games ay “controlled and monitored.”
Pinayuhan din nito ang publiko na i-report sa PAGCOR ang pangalan ng mga nakararanas ng problema dahil sa online game addiction para i-deny ang kanilang access sa anumang online game platforms.
“Namo-monitor po ito at kung ang pamilya man ay nagkakaproblema sa kanilang kamag-anak dahil nagugumon sa sugal, maaari po sila agad pumunta sa PAGCOR para po ma-ban ang tao na ito sa paglalaro,” ang sinabi ni Castro. (Daris Jose)