Surveillance camera, narekober . . . Inabandonang maleta, P204 milyon shabu ang laman
- Published on June 21, 2025
- by @peoplesbalita
BUMULAGA sa mga awtoridad ang mahigit P204 milyon halaga ng hinihinalang shabu na laman ng isang inabandonang kulay green na malaking maleta na iniwan sa isang bakanteng lote sa Naic, Cavite Biyernes ng madaling araw.
Sa ulat, bandang alas-2:10 kahapon ng madaling araw nang ipagbigay alam ni Jeferson Pausal y Paigao, 26, Security Guard ng Visayas Saz Agency sa nagpapatrulyang mga operatiba na sina Pat Ronald Ian Benter at Pat Honald De Jesus ng Naic Police Station ang natagpuan na isang inabandonang kulay green na malaking maleta sa kahabaan ng Frienship Road Brgy Sabang, Naic, Cavite.
Nang buksan ang maleta, bumulaga sa mga awtoridad ang humigit kumulang 30 kilograms na hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P204,000,000.00.
Sa pag-iinspeksiyon at paghahanap ng iba pang ebidensiya ng mga awtoridad, natagpuan nila ang isang surveillance camera na nakakabit sa isang kongretong poste malapit sa lugar.
Hinala ng pulisya na may isang tao na pipik-ap sa maleta at ikinabit ang surveillance camera para matiyak nila ang tamang tao na kukuha ito.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV at forensic digital examination sa narekober na surveillance camera. (Gene Adsuara)