Patuloy na sinusubaybayan sa iba’t-ibang bansa: COCO, ipinasilip ang matitinding eksena na paparating sa ‘Batang Quaipo’
- Published on June 20, 2025
- by @peoplesbalita
LIVE na ipinasilip ni Coco Martin sa ‘TV Patrol’ ang set ng Batang Quiapo’ kung saan pinaghahandaan ang isang engkwentro ng mga karakter nina Jake Cuenca, Andrea Brillantes, at McCoy De Leon.
Tuloy-tuloy nang inilalabas ni Coco ang kanyang mga bala matapos niyang ipinasilip ang mga maaksyong tagpo sa Batang Quiapo kung saan may mamamaalam na karakter sa mga susunod na episode.
Bagama’t maingat si Coco sa mga detalyeng ibinahagi, nangako itong sunod-sunod na ang mga dapat abangan na rebelasyon lalo na at nagsimula na ang pangangampanya ni Tanggol (Coco) bilang Mayor ng Maynila.
“Wala nang hingaan. Pinaghandaan namin ‘to at lahat ng eksena pinaghihirapan at pinag-iisipan. Ilang araw na namin shinu-shoot. Dire-diretso na lahat ng revelation at maraming character na dahan-dahan nang nawawala,” sabi ni Coco.
Sa isang pang pasilip na matinding bakbakan, makikita kung paano patutumbahin ni Tanggol ng mag-isa ang isang grupo ng mga armadong lalaki.
Samantala, gabi-gabi pa rin ang pagtutok ng mga Pilipino sa ‘FPJ’s Batang Quiapo’ matapos itong magtala ng pinagsama-samang 11 milyong views sa Kapamilya Online Live para sa episodes nito noong Hunyo 12 at Hunyo 13.
Naglabas na ang serye ng bagong theme song at bagong poster upang opisyal na ilunsad ang pagpasok ni Tanggol sa mundo ng politika bilang ang Tagapag-Tanggol ng Pagbabago para makapaghatid ng tamang pagbabago sa taumbayan.
Patuloy na sinusubaybayan ang FPJ’s Batang Quiapo sa buong bansa at kasalukuyang umeere 41 na bansa sa Africa na kilala sa pamagat na Gangs of Manila at nakatakda naman tumungo mismo ni Coco sa Africa sa Hunyo 28 para sa unang meet-and-greet ng ABS-CBN doon para sa Kapamilya Live in Kenya kasama si Julia Montes.
Abangan ang maaaksyong kaganapan sa FPJ’s Batang Quiapo gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
***
NAKAKA-INTRIGA naman ang mga karakter ang bibigyang-buhay nina Kim Chiu at Paulo Avelino para sa pagbibidahan nilang romance-suspense seryeng “The Alib'” ng ABS-CBN na malapit nang mapanood.
Inanunsyo ito ng ABS-CBN noong Hunyo 18 sa mala-police report na mga larawan na may mga danak ng dugo tampok din ang new look nina Kim at Paulo.
Makikita si Kim na may maikling buhok, makapal na lipstick, at nakasuot ng sexy na damit, habang “bad boy look” naman ang awra ni Paulo.
Kasama sa mga bumubuo ng “The Alibi” ang mga direktor na sina FM Reyes at Jojo Saguin, writer na si Danica Domingo, at mula ito sa produksyon ng Dreamscape Entertainment – ang parehong grupo sa likod ng patok na serye ng KimPau na “Linlang.”
Ang “The Alibi” ang kasunod na proyekto nina Kim at Paulo pagkatapos ng kanilang matagumpay na mga seryeng Linlang at ang Philippine adaptation ng What’s Wrong With Secretary Kim. Bumida rin sila sa box-office hit movie ng Star Cinema na “My Love Will Make You Disappear.”
Abangan ang iba pang mga detalye tungkol sa The Alibi sa @abscbnpr sa Facebook, X, Instagram, at TikTok o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.
(REGGEE BONOAN)