Bago magbukas ang klase sa susunod na linggo: PrimeWater, nangako na aayusin ang problema sa water supply sa Bulacan
- Published on June 14, 2025
- by @peoplesbalita
BAGO pa ang pagsisimula ng klase sa darating na Lunes, Hunyo 16 ay nangako ang Villar-owned PrimeWater Infrastructure Corp. na lulutasin ang problema sa suplay ng tubig sa lalawigan ng Bulacan.
Ang nasabing pangako ng Villar-owned PrimeWater Infrastructure Corp. ay matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Local Water Utilities Administration (LWUA) na magsagawa ng agarang imbestigasyon hinggil sa kakulangan ng pirmihang water supply sa mga pampublikong paaralan matapos na inspeksyunin ng Pangulo ang mga bayan ng Malolos at San Miguel sa Bulacan.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang PrimeWater at ang City of Malolos Water District (CMWD) ay nagpulong para tugunan ang kabiguan sa water service sa lalawigan.
Magkakaroon aniya ng pagkukumpuni sa dalawang apektadong bayan simula sa araw ng Biyernes, kasunod ng dayalogo sa pagitan ng PrimeWater at CMWD.
“Nangako po ang PrimeWater na ire-repair ang pump station by June 13, 2025 at makikipag-coordinate po sila sa drainage contractor para po maisaayos din po. Ito po ay sa pagitan ng CMWD at PrimeWater para marestore po ‘yung damage mainline,” ayon kay Castro.
“Water is expected to return to normal levels upon completion of the repair and restoration of damaged pipelines before school opening. So, abangan po natin ang magiging trabaho ng PrimeWater kung tutupad sila sa kanilang pangako,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, nanawagan si Castro sa pubiko na bigyan ng pagkakataon o tsansa ang PrimeWater para tugunan ang usapin.
“Tingnan po muna natin. Bigyan natin sila ng chance. Although marami nang nagrereklamo sa PrimeWater, bigyan muna natin ng chance dahil ang sabi naman po nila ay sila’y naglilingkod sa bayan,” ang dagdag na wika ni Castro.
Ang LWUA, sa naging direktiba na rin ng Pangulo ay binigyan ng 48 na oras na magsumite ng kanilang initial report para tukuyin ang dahilan ng pagkabigo sa suplay ng tubig at mga opisyal na responsable sa usaping ito, at binalangkas na hakbang para maibalik ang serbiso bago pa magsimula ang klase sa susunod na linggo. (Daris Jose)