• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Preso na sentensyado, sinilbihan ng warrant sa loob ng NBP

DINAKIP ng pulisya sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rape ang isang sentensiyadong preso, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat, nakapiit sa maximum security compound ng NBP si alyas “Popoy”, 40, makaraang masentensiyahan sa kasong panghahalay sa menor-de-edad na batang babae nang matuklasan ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan na may nakabimbin pa siyang warrant of arrest dahil sa hiwalay na kaso rin panggagahasa.

Kaagad na nakipag-ugnayan si BGen. Ligan kay Bureau of Correction (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. upang maisilbi ang panibagong arrest warrant na inilabas noong Nobyembre 4, 2021 ng Caloocan City Family Court Branch 130 na kaagad tinugunan ni Catapang.

Dakong alas-6:00 ng gabi nang isilbi nina P/Col. Renante Pinuela, Force Commander ng District Mobile Force Battalion (DMFB) ng NPD ang warrant of arrest laban kay alyas Popoy, gamit ang alternative recording device (ARD) bilang hakbang upang matiyak na malinis ang proseso ng isinagawa ng mga pulis. (Richard Mesa)