LTO iimbestigahan ang 160 medical clinics dahil sa iregular na pag-isyu ng medical certificates
- Published on June 12, 2025
- by @peoplesbalita
SINIMULAN na ng Land Transportation Office (LTO), ang imbestigasyon laban sa 160 medical clinics sa buong bansa kaugnay ng mga ulat ng iregular na pag-isyu ng medical certificates.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, isa sa mga pangunahing requirement sa pagkuha ng driver’s license ang medical certificate, subalit batay sa mga ulat na natanggap ng ahensya, sangkot umano ang ilang LTO-accredited medical clinics sa modus na pag-isyu ng medical certificates kahit walang aktuwal na pagsusuri sa aplikante.
“Malinaw na kahit hindi ka magpa-check up sa mga clinics na ito, basta willing kang magbayad, ay maiisyuhan ka ng medical certificates. Hindi ito tama at tinitiyak natin na hahabulin namin ang mga ito,” pahayag ni Asec Mendoza.
Dagdag pa ni Asec Mendoza, agad na ipinag-utos ni Secretary Dizon ang paghahanda ng mga kinakailangang kasong administratibo at kriminal laban sa mga sangkot, kabilang na ang mga doktor na pumirma sa mga pekeng medical certificates na walang personal na pagsusuri.
Una nang nangako si Secretary Dizon na magiging masigasig ang kanyang kampanya para sa kaligtasan sa kalsada, kabilang na ang paghabol sa mga pasaway na motorista at pagpapabuti ng mga imprastraktura sa kalsada.
Para kay Asec Mendoza, malinaw na nalagay sa panganib ang kaligtasan sa kalsada sa ginawang ito ng ilang medical clinics dahil wala umanong aktuwal na pagsusuri sa mga aplikante ng lisensya.
“Inatasan ko na ang mga regional directors na kunin ang lahat ng medical certificates na inisyu ng mga klinikang ito at abisuhan ang mga nabigyan ng lisensya gamit ang kaduda-dudang medical certificate na magpaliwanag,” ayon kay Asec Mendoza.
“Kung may sapat na ebidensya, agad naming babawiin ang akreditasyon ng mga klinikang ito at ipapataw ang habambuhay na pagbabawal sa anumang transaksyon nila sa LTO,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Asec Mendoza, simula ngayong linggo ay matatanggap na ng lahat ng 160 medical clinics sa buong bansa ang kanilang show cause order. (PAUL JOHN REYES)