Kelot, arestado sa baril sa Valenzuela
- Published on June 12, 2025
- by @peoplesbalita
KULUNGAN ang kinasadlalan ng isang lalaki nang makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa bisa ng ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Relly Arnedo na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang 37-anyos na lalaki na residente ng Brgy. Gen T. De Leon.
Bitbit ang search warrant na inisyu ni Valenzuela City Regional Trial Court Presiding Judge Evangeline S. Mendoza-Francisco, hinalughog ng mga tauhan ng Gen. T De Leon Police Sub-Station (SS2) ang bahay ng suspek sa Brgy. Gen T. De Leon dakong alas-5:20 ng hapon.
Nasamsam ng mga tauhan ng SS2 sa loob ng bahay ng suspek ang isang improvised UZI-type na baril na may limang bala ng kalibre .22 sa magazine.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 28 ng R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition. (Richard Mesa)