• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Higit P.4M droga, nasamsam sa 2 drug suspects sa Malabon

UMABOT sa mahigit P.4 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang hinihinalang sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga matapos matimbog ng pulisya sa buy bust operation sa Malabon City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Capt. Regie Pobadora ang mga suspek na sina alyas “Letlet”, 27, at alyas “Wangbu”, 43.

Ayon kay Capt. Pobadora, positibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga suspek kaya ikinasa nila ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA.

Dakong alas-6:43 ng umaga nang dambahin ng mga tauhan ni Capt. Pobadora ang mga suspek sa Barangay Potrero, Malabon City matapos bintahan ng isang sachet ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 60 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000.00 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng R.A 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Richard Mesa)