• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

6 taong termino para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) officials , aprubado na ng Kamara

INAPRUBAHAN ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas 11287 na nagsusulong na mabigyan ng 6 taong termino para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) officials mula sa kasalukuyang tatlong taon.

Sinabi ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, isa sa pangunahing awtor ng panukala, na kapag naging ganap na batas ang lahat ng incumbent BSK officials na naihalal noong October 30, 2023 ay mananatili hanggang sa susunod na synchronized elections na gaganapin sa ikalawang Lunes ng Mayo 2029 at kada anim na taon.

“This means that the BSK polls scheduled in December this year are reset to May 2029,” pahayag nito.

Lalagyan din ng panukala ng two-term limit ang barangay officials, habang ang SK officers ay magsisilbi lamang ng isang termino.

Una nang nagpahayag ng oposisyon si Rodriguez sa plano ng senado na ituloy ang halalan para sa BSK sa Disyembre, na nagsabing maiksiang dalawang taong panunungkulan para sa mga lider ng barangay.

“The officials will not be given enough time to fully implement their plans, programs and activities which they have promised their constituents. The wounds and divisions created by the recent elections among our people are still fresh. We cannot afford to have more fractiousness,” dagdag ni Rodriguez.

(Vina de Guzman)