• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 wanted na ginang, tiklo

MAGKASUNOD na sinilbihan ng Northern Police District (NPD) ng warrant of arrest ang dalawang ginang sa loob ng Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Unang nagtungo ang mga tauhan ni NPD Director P/BGen. Josefino Ligan sa selda ng 69-anyos na lola dakong alas-5:45 ng hapon upang isilbi ang warrant of arrest na inilabas noong Oktubre 19, 2021 ni Tanauan City, Batangas Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Nevic Cordillo Adolfo ng Branch 53 para sa kasong paglabag sa na-amiyendahang Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995.

Nakakulong sa naturang piitan ng mga babae sa F. Martinez Avenue, Mauway, Mandaluyong City ang lolang akusado matapos maaresto dahil naman sa kinakaharap na kasong Syndicated Illegal Recruitment sa ilalim ng R.A.8042.

Dakong alas-6:00 ng gabi nang isilbi naman ng mga operatiba ng NPD sa 42-anyos na ginang ang warrant of arrest na inilabas noong Hunyo 8, 2021 ni Taguig City RTC Presiding Judge Marivic Cudilla Vitor ng Branch 266 dahil sa kasong illegal possession of dangerous drug.

Ang ginang ay nakulong sa naturang pasilidad dahil din sa kinakaharap na kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Durg Act of 2002.

Sa dalawang magkasunod na operasyon, sinabi ni BGen. Ligan na gumamit ng body camera at alternatibong recording device sina Lt. Col. Alain Terence Licdan, hepe ng District Special Operations Unit (DSOU), bilang pagsunod sa iniatas na panuntunan ng Korte Suprema. (Richard Mesa)