• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Problemang kinakaharap ng NCAP, ayusin muna bago magpataw ng multa

HINIKAYAT ni Cavite Rep. Jolo Revilla ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tugunan muna ang mga nagloloko o sirang traffic lights, non-visible traffic signages, at kupas na mga markings bago ang mahigpit na pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa buong Metro Manila.

Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod na rin sa nag-viral na video na nagpapakita sa isang traffic light sa may Abad Santos Avenue, Manila na bigla umanong nagpalit ng senyas mula berde sa pula bago pa man matapos ang countdown timer na nakakuha ng kritisiSmo at reklamo.

Sinabi ng mambabatas na hindi dapat parusahan ang mga drivers dahil sa kakulangan ng pamahalaan.

Bago aniya nagpataw ng multa sa ilalim ng NCAP ay dapat siguruhin at ayusin muna ng MMDA ang lahat ng traffic lights, gumagana, malinaw at kita ang mga signages, lalo na yaong mga road markings.

Nanawagan pa ito sa MMDA na agad ipa-audit ang lahat ng NCAP-monitored areas, bigyang prayoridad ang pagpapagawa sa mga may problemang traffic lights, palitan ang mga outdated o nawawalang signages, at pinturahan ang mga road markings, kabilang na ang mga stop lines, pedestrian lanes, at lane dividers. (Vina de Guzman)