• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Health emergency sa pagkalat ng HIV-AIDS sa anim na rehiyon sa bansa, ideklara

KAILANGANG magdeklara ng health emergency sa pagkalat ng HIV-AIDS sa anim na rehiyon sa bansa.

Pero, kung magdedesisyon ang Department of Health na magdeklara ng health emergency sa buong bansa ay suportado ito ng BHW Party-list.

Lumitaw sa pinakahuling HIV-AIDS Registry data na malala ang pagkalat ng sakit sa National Capital Region, Calabarzon, Central Luzon, Davao Region, Central Visayas, at Western Visayas.

Naniniwala si Rep. Angelica Natasha Co na ang pagpapatupad ng maagang testing, prevention measures at treatment access sa naturang anim na rehiyon ay makakatulong para masupil ang pagkalat ng HIV-AIDS.

Ang Region 10 at Region 1 ay nakapagtala ng halos 2,500 ng HIV-AIDS cases mula Enero 2020 hanggang Marso 2025.

Importante rin ang komunikasyon sa pamamagitan ng regional languages at local dialects para mapababa ang pagkalat ng HIV-AIDS sa anim na rehiyon. Para naman sa natitirang bahagi ng bansa, dapat palakasin ang local containment measures.

Isinuwestiyon naman ng mambabatas na ang pagsama sa kampanya laban sa sakit ng Komisyon sa Wikang Filipino, University of the Philippines, at iba pang major state universities and colleges sa rehiyon.

Kamakailan, nagsagawa ang BHW Party-list ng mga HIV awareness seminars sa pakikipagtulungan ng Philippine National AIDS Council (PNAC) at ilang LGUs mula sa NCR, Region III, Region IV-A, at Region IV-B.

Doon nakatuon ang seminars dahil iyon ang mga rehiyong may pinakamataas na bilang ng HIV cases.

Target audience ng mga seminars ay mga kabataan, lalo na sa mga unibersidad, kaya karamihan sa participants ay college students.

May mga HIV hubs din na nagbibigay ng libreng HIV testing, free PrEP (Pre-Exposure Prophylaxis), at iba pang HIV-related services.

Itinutulak ng BHW Party-list ang awareness and information drive. Tumutulong din sila na tanggalin ang stigma na nakakabit sa HIV testing at prevention.

“Kailangang maprotektahan ang kabataan at mas palawakin pa ang edukasyon tungkol sa HIV,” anang mambabatas. (Vina de Guzman)