• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pintor, kulong sa pagbebenta ng ‘endangered species’ sa Malabon

SHOOT sa kulungan ang 35-anyos na pintor matapos madakip sa entrapment operation dahil sa pagbebenta ng ibong nanganganib na ang mga uri sa Malabon City.
Kinalawit kaagad ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan si alyas “John Carlo”, residente ng Nazarene Ville, Brgy. San Roque, nang tanggapin ang P15,000 na markadong salapi, kapalit ng ibinentang dalawang Brahminy Kite o Lawin na kabilang na sa mga “endangered species” o ibon na nanganganib na ang mga uri.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, ikinasa ang entrapment operation bago mag-ala-1 ng madaling araw sa Hiwas St. sa harap ng Barangay Hall ng Brgy. Longos matapos makipagtransaksiyon ang pulis na nagpanggap na buyer sa personal na facebook account ng suspek na kanyang gamit sa pagbebenta ng Brahminy Kite.
Nabawi nina P/Capt. Lalaine Almosa, Acting Sub-Staion-5 Commander sa suspek ang markadong salapi na kinabibilangan ng isang pirasong P500 na tunay na salapi at P14,500 na boodle money, pati na ang dalawang lawin na kanyang ibinenta sa police poseur-buyer.
Kakasuhan ng paglabag sa R.A. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang suspek sa Malabon City Prosecutor’ Office. (Richard Mesa)